Martes, Nobyembre 2, 2021

Tula

TULA

tula ang daan upang sa lubak ay makaahon
habang bagtas ang kumunoy ng covid at depresyon
damdamin ay nilalabas sa taludtod at saknong
di raw kasi makita sa mukha ko ang ekspresyon

habang tinitiis lang ang nararanasang bigat
habang paminsan-minsan pa rin ang pamumulikat
habang iniinda ang nangangalay kong balikat
habang napapatitig sa balantukan kong sugat

mabuti't sa akin ay may tumitinging diwata
at ginagabayan ako ng engkantadang mutya
di hinahayaang anumang sakit ko'y lumala
hanggang init ng katawan ko'y tuluyang bumaba

noong nagdedeliryo'y akin nang isinatitik
ang nasa loob ng walang imik o pagkasabik
mga naranasan sa utak ko'y pabalik-balik
na pawang sa taludtod at saknong naihihibik

- gregoriovbituinjr.
11.02.2021

Palaisipan

PALAISIPAN

ehersisyo mang di halata
sa pabalat nga'y nalathala
anila, "matalas na diwa
palaisipan ang panghasa"

kapag may panahon lang naman
sasagot ng palaisipan
bagong salita'y malalaman
kahit mula sa lalawigan

isa mang pampalipas-oras
o libangan, di man lumabas
tila may kausap kang pantas
na ang talino'y tumatagas

na akin namang sinasahod
ang salitang tinataguyod
na tunay ngang nakalulugod
na sa pagtula'y mga ubod

palaisipang laking tulong
sa mga taludtod ko't saknong
pati na sa anak mong bugtong
upang tumalas pa't dumunong

- gregoriovbituinjr.
11.02.2021

Pagtulos ng kandila

PAGTULOS NG KANDILA

sagisag ng paggunita
ang pagtulos ng kandila
pag-alay sa namayapa
ang pag-alalang ginawa

lalo na't ngayon ay undas
kahit di man tayo lumabas
paggunita'y anong timyas
sa iwing pusong may ningas

kandila man ay iisa
o ito ma'y dadalawa
pagtulos ay pag-alala
na sila nga'y mahalaga

tuwing undas na'y gagawin
kapag undas nga'y gawain
ito'y isa nang tungkulin
sa mga yumao natin

- gregoriovbituinjr.
11.02.2021