Biyernes, Mayo 26, 2023

Ang kuting na ayaw pasusuhin

ANG KUTING NA AYAW PASUSUHIN

nakauna na ang ibang kapatid
pinalipat ang may batik na itim
palipat-lipat, di mapatid-patid
di na makasuso ang isang kuting

tila tulog na ang inahing pusa
o nakapikit lang habang abala
na pasusuhin ang mga anak nga
na agawan sa pagsuso talaga

inaalis ng kapatid ang ulo
ng isang kuting na di makadede
lumipat naman sa kabila ito
ganoon din, di pa rin makadede

ibang kapatid niya't anong kulit
na gustong ang makasuso'y sila lang
hanggang kanyang sarili'y ipinilit
ayaw rin niyang siya'y maisahan

sige, karapatan mo'y igiit mo
kapatid ka namang dapat dumede
ipagtagumpay mo rin ang pagsuso
kaysa magutom ka't mauhaw dine

- gregoriovbituinjr.
05.26.2023

* mapapanood ang bidyo sa: https://fb.watch/kMvUNFH10U/

Kanina, sa dyip

KANINA, SA DYIP

sa dyip, naupo ako sa una
nang may pinuntahan lang kanina
may istiker roong may babala:
"Bawal sumakay ang walang pera!"

buti't ako'y may baryang pambayad
kaya ayun, nagbayad kaagad
bagamat dyip sa takbo'y makupad
dumating din, pagong man ang usad

piniktyuran ko na lamang iyon
baka tama naman yaong layon
baka may nagwa-wantutri roon
inis na ang tsuper kaya gano'n

salamat sa gayong parirala
naalimpungatan ang makata
matagumpay yaong parikala
na tumatagos sa puso't diwa

- gregoriovbituinjr.
05.26.2023

* parirala = phrase
* parikala = irony

Paggising sa umaga

PAGGISING SA UMAGA

paggising sa umaga'y nag-inat
inimis ang inunan kong aklat
kagabi'y umulan at mahamog
buti't tuhod ay di nangangatog
mumog, hilamos, handa'y almusal
barakong mainit at pandesal
karaniwang tagpo pagkagising
mag-eehersisyo, magdi-dyaging
ihahanda ang buong sarili
para sa gawain hanggang gabi
mangangalap ng mga balita
at isyu ng dukha't manggagawa
magsusulat ng mga sanaysay
sinong bibigyan ng pagpupugay
mga kuting ay kukumustahin
pakakainin, paiinumin
at maglalakad muli sa lubak
nanamnamin ang paksa sa utak
na isusulat agad sa papel
titipain naman sa kompyuter

- gregoriovbituinjr.
05.26.2023