PAGSAGIP
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod
kailangan nila'y tulong, tingnan ang kalagayan
at dapat lang silang sagipin sa kapanganiban
ngunit tila ang iba'y kayraming tinatakasan
anupa’t di madalumat kung anong kalutasan
may mga pamilyang sa kahirapan nagdurusa
iba'y may magulang na walang paki sa kanila
iba'y batang hamog, adik, sanggano sa kalsada
na dapat masagip bago lumala ang problema
tulad ng sunog, huwag maghintay lang ng bumbero
dapat agad kumilos, magtulung-tulong ang tao
upang apoy ay mapatay, bahay ay di maabo
upang di mawala ang pinaghirapang totoo
paano sasagipin ang bayan sa trapong banô
na pulos mga tiwali, ang gawa'y pawang likô
dapat maagap magpasya, kilos ay walang hintô
kalutasan sa problema'y dapat nating matantô
paano natin sasagipin yaong nalulunod
kung paglangoy pa lang, sinasagilahan ng takot
paano lulutasin ang problema nilang dulot
kung di magsusuri, tutungangang animo'y tuod
maraming delubyong nagdaan, panay ang pagbahâ
sa Yolanda'y libu-libong buhay ang nangawalâ
anong dapat gawin pag dumaang muli ang sigwâ
dapat magkapitbisig, magbayanihan ang madlâ