Sabado, Marso 30, 2024

Palakasin ang pangangatawan

PALAKASIN ANG PANGANGATAWAN

palakasin ang pangangatawan
tangi itong kabilin-bilinan
ng aming matatanda sa bayan
pati na yaong nasa tubuhan

bawasan mo iyang matatamis
lalo na't katawan ay numipis
kanin ay huwag kumaing labis
magpalakas kahit na magtiis

di kailangan ang masasarap
kung katawan nama'y maghihirap
kung may sakit, paanong pangarap
na lipunang dahilan ng sikap

kung di susunod, mahahalata
sa katawan pag binalewala
ang payo ng mga matatanda
gayong tinutulungan ka na nga

- gregoriovbituinjr.
03.30.2024

Payak na hapunan

PAYAK NA HAPUNAN

bangus na inadobo sa toyo at suka
at ginayat na mga mumunting gulayin
kamatis, sibuyas, at dahon ng sibuyas 
na kaysarap ulamin kasama ng kanin

payak na hapunan ng tibak na Spartan
habang wala si misis sa aming tahanan
matapos magsulat ng akda'y naghapunan
kahit na nag-iisa lamang sa tahanan

bukod sa mumurahin, ito'y pampalusog
kain-bedyetaryan, kapara ko'y bubuyog
sa nektar ng bulaklak nagpapakabusog
upang maya-maya'y magpahinga't matulog

maraming salamat at muling nakadighay
habang naritong patuloy sa pagninilay

- gregoriovbituinjr.
03.30.2024

Hayaan mong tumula ako

HAYAAN MONG TUMULA AKO

hayaan mong tumula ako't inbox ay punuin
ngayon lang naman iyan, lahat ay matatapos din
pag ako'y di na makatula, o naging pasanin
kaya ginagawa ko ngayo'y ipagpaumanhin

hayaan mong tumula ako habang may hininga
ngayon lang naman iyan, habang narito't buhay pa
matatapos din ang lahat, kapag ako'y wala na
kung inis ka na'y humihingi ako ng pasensya

hayaan mong tumula ako matapos magnilay
o kaya'y matapos kong sunugin ang aking kilay
baka kasi may mapulot ka sa tula kong tulay
patungong ibang daigdig na aking malalakbay

hayaan mong tumula ako, nais lang maghandog
ng katha sa sambayanan, lipunan, uri't irog
tila baga ako'y makatang kapara'y bubuyog
na laksang bulaklak, isyu't paksa ang pinupupog

- gregoriovbituinjr.
03.30.2024

* maraming salamat sa kasamang kumuha ng litrato

4PH ay hagupit na kaylupit

4PH AY HAGUPIT NA KAYLUPIT

ang pabahay ay huwag ibatay sa market value
kundi sa capacity to pay nitong maralita
ang pabahay ay serbisyo, huwag gawing negosyo
ito'y isang katotohanang dapat maunawa

ang 4PH daw ay pang-ISF, o pang-iskwater
ngunit hindi pala, dapat mayroon kang Pag-Ibig
binago na ang squatter, ngayon informal settler
families, kahulugang pinaganda sa pandinig

isang informal worker nga ang umamin nang tunay
wala siyang regular na sahod, kaya ang sabi:
"Hindi ko kayang bayaran ang presyo ng pabahay
ng DHSUD-4PH", kaydali nating maintindi

sino bang maralitang isang kahig, isang tuka
na sadyang gipit ang magbabayad ng isang yunit
na halaga'y higit sangmilyon, mayroon ba? wala!
4PH sa maralita'y hagupit na kaylupit

kaya di pangmaralita ang 4PH na iyan
pabahay ng gobyerno'y isang negosyo talaga
presyo ng pabahay ay ibatay sa kakayahan
at di sa market value, bilang serbisyo sa masa

- gregoriovbituinjr.
03.30.2024

* 4PH - Pambansang Pabahay para sa Pilipino Program ng pamahalaang BBM
* litratong kuha ng makatang gala sa isang rali sa harap ng tanggapan ng DHSUD, 09.11.2023

Manpower agencies, linta sa manggagawa! Buwagin!

MANPOWER AGENCIES, LINTA SA MANGGAGAWA! BUWAGIN!

sinabi nga ng kumandidatong senador noon
iyang mga manpower agencies ay mga linta
nagpapasarap sa iskemang kontraktwalisasyon
sinisipsip ang pawis at dugo ng manggagawa

dapat silang buwagin, kaya pag ako'y nanalo
matatapos na ang maliligayang araw nila
sapol na sapol sa panawagan niyang totoo
na mga manpower agencies ay linta talaga

sa Kalbaryo ng Maralita'y aming panawagan
na inilagay sa kurus upang maipabatid
sa madla iyang ginagawa nilang kamalian
oo, dapat silang buwagin pagkat di matuwid

pagsasamantala sa obrero'y dapat tapusin!
lintang manpower agencies na'y tuluyang buwagin!

- gregoriovbituinjr.
03.30.2024

* litratong kuha ng makatang gala mula sa Kalbaryo ng Maralita, Marso 26, 2024