Sabado, Oktubre 10, 2020

Pakikipagkaisa sa mga api

nakipagkaisa tayo sa mga inaapi
pagkat tulad nila sa dusa rin tayo sakbibi
lalo't ako'y naiwan sa liblib na di masabi
habang mga salita'y patuloy kong hinahabi

halos madurog bawat kong lunggati sa kawalan
habang nagkakabitak-bitak ang dinaraanan
alagata ang hangad na makataong lipunan
pagkat adhika itong sa puso'y di mapigilan

adaptasyon nang makaangkop sakaling magbaha
mitigasyon nang mabawas ang epekto ng sigwa
Kartilya ng Katipunan ay niyakap kong kusa
lalo't kaginhawahan ng bayan ang diwa't pita

kawal ng paggawang sa api'y nakipagkaisa
lalo sa proletaryo't mga maralitang masa
binabaka ang pang-aapi't pagsasamantala
kumilos upang baguhin ang bulok na sistema

- gregoriovbituinjr.

Kung ako'y isang halaman

ani misis, mahilig siya sa mga halaman
kaya samutsari ang tanim sa kapaligiran
napag-usapan matapos manggaling sa cactusan
samutsari nga ang cactus sa aming napuntahan

kung ako'y isang halaman, na halimbawa'y cactus
na bihira mang makita'y di nagpapabusabos
nabubuhay sa malayong liblib, kahit hikahos
nasa ilang man, matinik akong dapat matalos

kung ako'y isang halamang kapara'y gumamela
mga nektar ng bulaklak ko'y ibibigay ko na
sa paruparo't bubuyog ng libre't anong saya
na kahit munti'y may naitulong din sa kanila

baka mabuting itulad sa talbos ng kamote
na madali lamang patubuin sa tabi-tabi
na lunas sa gutom kung sa kagipitan sakbibi
at maaari pang isahog sa ibang putahe

kung ako'y isang halamang pipitasin ni misis
ang iwing buhay ko'y iaalay nang walang amis
halimbawa ako'y ang kamatis na walang hapis
anong ligayang ang naranasan ko'y anong tamis

- gregoriovbituinjr.

* kuha ang mga litrato sa Living Gifts Nursery na hardin ng samutsaring cactus sa Barangay Alno, La Trinidad, Benguet, 10.10.2020