Lunes, Pebrero 24, 2025

P5 dagdag pasahe sa dyip, grabe

P5 DAGDAG PASAHE SA DYIP, GRABE

tataas ang pamasahe
di tumataas ang sahod
makikinabang ang tsuper
dagdag-hirap sa komyuter

ang limang piso'y di barya
lalo't mahirap ang tao
na sadyang pinagkakasya
ang kakarampot na sweldo

kauna-unawa naman
na ang pagtaas ng presyo
ng langis at gasolina
ay sadyang di mapigilan

may Oil Deregulation Law
na bahala ang negosyo
kaya pagtaas ng presyo
di mapigil ng gobyerno

nagtataasan ang lahat
maliban sa sahod nila
kailan ba mamumulat
na baguhin ang sistema

- gregoriovbituinjr.
02.24.2025

* ulat mula sa pahayagang Bulgar, Pebrero 20, 2025, tampok na balita (headline) at pahina 2

Nilagang daing na tuyo

NILAGANG DAING NA TUYO

imbes prituhin, aking inilaga
ang ilang nabiling daing na tuyo
wala namang problema sa hinanda
ang mahalaga lang, ito'y maluto

mula sa karaniwang pagpiprito
ng tuyong daing, iniba ko naman
tingin mo man, ito'y eksperimento
ngunit sagad sa buto ang linamnam

imbes mantika, ginamit ko'y tubig
tila isda'y ibinalik sa ilog
subalit sadyang malasa sa bibig
pananghalian ko'y nakabubusog

- gregoriovbituinjr.
02.24.2025

Kawawa naman ang buwaya

KAWAWA NAMAN ANG BUWAYA

kawawa naman ang buwaya
sa tusong trapo iginaya
dahil ba sa kapal ng balat
o pangil, kaytinding kumagat

buwaya'y tawag sa tiwali
lalo't trapo'y tengang kawali
sa hirap at dusa ng dukha
sa bayan ay walang ginawa

nakatanghod lamang sa kaban
ng bayan ang nanunungkulan
imbes sa masa kumakampi
ay sa burgesya nagsisilbi

kabang bayan ang nasa isip
pati alagad nilang sipsip
buwaya'y kawawang totoo
pagkat itinulad sa trapo

- gregoriovbituinjr.
02.24.2025

* batay sa komiks na Bugoy sa pahayagang Pang-Masa, Pebrero 23, 2025, p.7