NATUTULOG AKONG DILAT ANG ISANG MATA
ni Gregorio v. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod
natutulog akong dilat ang isang mata
di dapat himbing na himbing, payo ni ama
dapat alerto lagi ang iyong pandama
kahit nananaginip, amoy mo ang bunga
payo ni ama'y malimit kong matandaan
lalo na't tulad ko'y parang nasa digmaan
lalo't madalas akong laman ng lansangan
kasama ang masa sa parang ng labanan
maraming nahimbing, di alam ang nangyari
magigising silang palibot na'y asupre
kung alerto lamang, di sila magsisisi
mga tulog-manok ay labuyo sa liksi
kahit ako'y alumpihit sa bungang-tulog
iidlip akong walang kibo't di uusog
isang mata'y dilat, isip ay umiinog
sino kayang dilag ang sa aki'y pupupog?
kaytitindi ng tunggalian sa lipunan
kaya di dapat himbing na himbing sa unan
sa lumalargang oras baka maiwanan
dapat sumabay sa daloy ng kasaysayan
dilat ang isang matang iidlip na naman
nang makapahinga ang payat kong katawan
ngunit kung oras ko na't biglang natuldukan
pipikit nang kusa, hihimbing nang tuluyan