PALIKERONG BANAL
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod
di ko alam kung bakit "Palikerong Banal"?
ang pinangalan sa dyip nitong kapitbahay
banal ba ang palikero o isang hangal?
minsan sa dyip na iyon ako sumasakay
paano ba naging banal ang palikero
kung siya'y may babae doon, pati dito
aba'y matulis kahit na sa pasahero
banal? ang palikero'y salawahan kamo
Balic-Balic - Quiapo ang ruta nitong dyip
biyahe'y maikli man, ako'y nakakaidlip
habang sa daan ay tila nananaginip
maya-maya'y papara, "Tenkyu sa aming trip!"
dyip iyong kaaya-aya sa pasahero
makulay at kaygaganda ng pinta nito
ang tsuper pa'y nagpapatugtog ng isteryo
patingin-tingin sa magandang pasahero
ngayon ang "Palikerong Banal" ay wala na
di ko na nasasakyan, di na nakikita
ang dyip na iyon, kung wala mang balita na
ay bahagi ng pagkabata't alaala