Huwebes, Marso 15, 2012

Tinik sa Obrero ang Kontraktwalisasyon


TINIK SA OBRERO
ANG KONTRAKTWALISASYON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

binobola ng kapitalistang kawatan
ngunit alinlangan pa silang maghimagsik
kung ganyan ng ganyan, anong kahihinatnan
di matatanggal ang sa manggagawa'y tinik

ang dangal ng manggagawa'y nayuyurakan
tinik sa obrero ang kontraktwalisasyon
dignidad ng paggawa'y nilalapastangan
tinik na ito'y unti-unting bumabaon

labis nang nabibikig ang mga obrero
pagkat tinik na ito'y labis kung tumusok
sa diwa't kalamnan ay sumusugat ito
sa buhay ng obrero'y sadyang umuuk-ok

maghimagsik ka, manggagawa, maghimagsik
ikaw lang ang kayang tumanggal niyang tinik