NAPAKARAMING BAWAL
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod
bawal kumain ng mansanas ni Eba
lalo't ito'y di niya ibinebenta
bawal kumuha ng anumang di kanya
lalo't ito'y sariling gamit ng iba
bawal pang ligawan ang dalagang iyon
baka mabuntis ng wala sa panahon
bawal na sa gabi'y ikaw'y maglimayon
at baka makursunadahan ng maton
bawal magwelga, anang kapitalista
pagkat masama sa takbo ng pabrika
bawal magrali ang mga aktibista
magagalit daw ang gobyernong pasista
bawal manawagan ng dagdag na sahod
kahit kalabaw ka na sa kakakayod
bawal ang dukha'y kumandidatong lingkod
lalo't sa masa'y walang perang pangmudmod
bawal ka sa lupang walang nakatira
may-ari raw ng lupa'y korporasyon na
bawal pumatay ng mapagsamantala
pakiramdam mo man, aping-aping ka na
kayraming bawal sa taong nagsisipag
nagtitiyaga na, buhay pa ri'y hungkag
sa lahat ng bawal huwag kang lalabag
kung ayaw masaktan huwag kang pumalag
sana'y ipagbawal ang globalisasyon
na pahirap sa bayang di makabangon
ipagbawal din ang kontraktwalisasyon
na salot sa obrerong di makaahon
may bawal na panlahat, may pang-iilan
pati sa bawal may uri't tunggalian
may pwede sa kapital, bawal sa bayan
sadya bang ganito sa ating lipunan?