BAHA NG HABAGAT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod
kayrami-raming tubig, ngunit walang mainom
naglipana ang karne, ngunit bayan ay gutom
habang sa mga inang palad ay nakakuyom
sa sikdo ng panganib, bibig nila'y di tikom
buong bayan ay tila dagat ng alimuom
di na makaugaga't panahon ng tagsalat
mga alagang hayop ay nalunod na't sukat
tubig-bahang sinalok ay kayrumi't maalat
habang sumasabay pa'y pagkulog at pagkidlat
kaya di maaaring magkikibit-balikat
sumikat ang araw, nananatiling ligalig
takot pa sa hagibis ng hanging maulinig
hinahanda ang dibdib at pusong pumipintig
bawat isa'y damayan, dapat magkapitbisig
humabagat mang muli, ang tao'y nakatindig
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento