Huwebes, Hunyo 13, 2024

Barak, Galas, at Hayap

BARAK, GALAS, AT HAYAP

tatlong tanong na di ko alam ngunit nasagot ko
sa tulong ng UP Diksiyonaryong Filipino
pawang Pahalang ang tanong na di ko kabisado
kaya sinaliksik pa ang mga salitang ito

pag di alam ang Pahalang ay tingnan ang Pababa
at baka makuha mo ang marapat na salita
sadyang gayon naman ang madalas na ginagawa
hanggang mapalitaw ang hinahanap na kataga

diksyunaryo'y sinangguni ko't sagot ay nabuklat
sa katanungang Maputla, ang sagot pala'y BARAK
sa tanong na Pakla lasa, sagot naman ay GALAS
at sa tanong na Talim, kaylalim ng sagot: HAYAP

mga bagong salita iyon sa aking pandinig
o marahil, lumang salitang di na bukambibig
mabuti't sa talasalitaan tayo'y sumandig
kaya ngayon, mga iyon ay nabibigyang-tinig

- gregoriovbituinjr.
06.13.2024

* palaisipan mula sa pahayagang Abante, Hunyo 9, 2024, p.7

* 13 Pahalang: Maputla
BARAK - maputla dahil sa takot o dahil sa sakit, mula sa UP Diksiyonaryong Filipino (UPDF), p.142
* 31 Pahalang: Pakla lasa
GALAS - 1. pakla; 2. latak ng asukal at pulot; 3. gaspang o ligasgas ng tabla o kahoy; 4. uri ng ubeng puti, UPDF, p.381
* 33 Pahalang: Talim
HAYAP - 1. talim ng anumang kasangkapang nakasusugat; 2. talas ng salita, UPDF, p.439

Pagbili ng aklat

PAGBILI NG AKLAT

pag may kaunting salapi
libro'y aking binibili
ngunit paksa'y pinipili
ninanamnam ng mabuti

pag may natira sa pera
damit naman ang bibilhin
may laan din sa pamilya
pambili ng makakain

sa aklat ko nahahango
ang maraming tula't kwento
kaya agad narahuyo
sa naggagandahang libro

pagkat nakapagmumulat
kaya magbasa ang nais
kung gusto mo rin ng aklat
pumunta na sa Books for Less,

Fully Booked, National Bookstore,
Powerbooks, Biblio, Goodwill,
Solidaridad, Rex Bookstore,
Popular Bookstore, o Book Sale

- gregoriovbituinjr.
06.13.2024

Tuyong dahon

TUYONG DAHON

pinapanatili ng tuyong dahon ang sayimsim
o halumigmig sa lupa, animo'y sinisimsim
ang alinsangan, marahil pati iyong panimdim
mamasa-masa ang lupa, alay ng puno'y lilim

pagkain din ng bulate ang mga tuyong dahon
na nalilikha'y vermi-compost na nakatutulong
sa paglago ng halaman, anong ganda ng layon
tuyong daho'y di basurang basta lang itatapon

tuyong dahon pa'y pataba pag nabaon sa lupa
kapaki-pakinabang pag sa kalikasan mula
upang puno't halaman ay magsilago't tumaba
pag ito'y namunga na, malaking tulong sa madla

matutuyo rin ang dahon pagdating ng panahon
ngunit sa lupa pala'y may magandang nilalayon

- gregoriovbituinjr.
06.13.2024

* litratong kuha ng makatang gala sa loob ng Quezon Memorial Circle, Hunyo 12, 2024

* Ang nakasulat sa karatulang kinunan ng litrato ng makatang gala ay:

ALAM MO BA? Na ang tuyong dahon ay:

- Pinapanatili ang moisture sa lupa na tumutulong para ma-absorb ng halaman

- Ginagawang pagkain ng bulate upang makagawa ng vermi-compost na nakakatulong sa paglago ng halaman

- Hindi ito tinatapon bilang basura, bagkus, maaari itong mapakinabangan para maging pataba sa lupa

- Ang mga nalagas na tuyong dahon ay nakakatulong din sa pagpapanatili ng malamig na temperatura sa kapaligiran lalo sa panahon ng tag-init

- Naiiwasan ang pagdami ng damo sa lupa

* "Ang circle ay para sa ating lahat, mahalin at pangalagaan natin ito."

Ang landas kong tinatahak

ANG LANDAS KONG TINATAHAK

tinatahak ko ang landas ng magigiting
di ang landas ng hunyango, trapo't balimbing
kaya aagahan ko palagi ang gising
upang sa isyu'y di maging bulag at himbing

nais kong umaga'y sikatan na ng araw
upang Bitamina D sa akin pumataw
upang mula sa araw lakas ay mahalaw
upang sa bawat pagtakbo ko'y makahataw

bakit ba dapat arukin ang kalaliman
ng dagat na pawang plastik ang naglutangan
bakit ba dapat liparin ang kalawakan
ng langit gayong mas magandang ito'y masdan

saanmang lupa'y nais kong magtanim-tanim
ng magandang binhi, prinsipyo't adhikain
kahit na sa paso, binhi'y palalaguin
na balang araw, bunga nito'y aanihin

tinatahak ko ang landas ng pagbabago
na pinamumunuan ng uring obrero
nais kong matayo'y lipunang makatao
na serbisyo sa tao'y di ninenegosyo

- gregoriovbituinjr.
06.13.2024

* litratong kuha ng makatang gala sa Daang Espanya sa Maynila

LaroSalita

LAROSALITA

1

TULA, TULI, TULO

iyong tingnan ang mga salita
TULA ang kinatha ng makata
TULI sa mga nagbibinata
TULO kapara'y uhog at luha

2

ANTAK, ANTIK, ANTOK

ANTAK na ang aking mga sugat
ANTIK pa ang gasang inilapat
ANTOK na't ang daliri'y nakagat
nang magdugo'y di agad naampat

3

BANTA, BENTA, BINTA

BANTA raw ang natatanggap niya
dahil sa kalakal, walang BENTA
tumakas siyang sakay ng BINTA
sa dagat, naghabulan talaga

- gregoriovbituinjr.
06.13.2024