Lunes, Marso 9, 2015

Ang ilaw

ANG ILAW
ni Gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig bawat taludtod

may nagagawa ang ilaw
na di magawa ng araw
ito'y ang magsilbing tanglaw
sa karimlang anong panglaw

ang ilaw man ay maliit
tanglaw siyang anong rikit
karimlan ay pinupunit
at sa gabi'y siyang damit

maliit man ay may silbi
na di kaya ng malaki
walang araw dahil gabi
kaya ilaw ay maigi

huwag isiping maliit
ang mundo'y di pulos pait
kahit puno ng pasakit
pagkat may silbi ka't bait

huwag kang mag-alinlangan
tayo man ay karaniwan
may magagawang mataman
sa kabutihan ng bayan

Paghahanda sa malayong paglalakbay

PAGHAHANDA SA MALAYONG PAGLALAKBAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

dalawang buwan din tayong maglalakad
sa malayong lupang adhikang mapadpad
sa mga landasing di naman banayad
sa mga bulaklak na namumukadkad

tangan ang adhikang dapat isatinig
dala ang mensaheng puno ng pag-ibig
pagkat nagbabagong klima ng ligalig
ay dapat tugunan ng buong daigdig

o, nakasisindak ang Yolandang lasap
ang tugon sa klima'y dapat mahagilap
sapat at totoong tugon ma'y kay-ilap
seryoso na sanang ang mundo'y mag-usap

maglalakbay tayong tangan ang adhika
kaya dapat lamang puspusang maghanda
mula sa lupaing batbat na ng sigwa
tungo sa bulwagan ng lupang banyaga

halina't atin nang tanganang mahigpit
itong paghahandang tiyak anong lupit
tahakin man nati'y puno ng pasakit
mairaraos din natin bawat saglit