HUWAG SAYANGIN ANG PANAHON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod
"Huwag mong sayangin ang panahun: ang yamang nawala'y mangyayaring magbalik; ngunit panahung nagdaan na'y di na muli pang magdadaan." ~ mula sa Kartilya ng Katipunan
ang bawat sandali'y dapat laging pahalagahan
magagawa ngayo'y huwag ipagpabukas na lang
mahirap kung lagi nating ipinagpapaliban
ang kayang magawa't matapos sa kasalukuyan
bumulong man ang hangin sa kanan man o kaliwa
may pakpak man ang balita't may tainga ang lupa
sa paggawa ng kabutiha'y huwag magsasawa
lalo't may panahong may kinakaharap na sigwa
may panahong mag-aatubili o magpapasya
di na magbabalik ang panahong kamusmusan pa
na maiisip lang pag kabataa'y naalaala
at sasabihing may iling, "Sayang, noon pa sana!"
huwag sayangin ang panahon, Kartilya'y nagbilin
na sa bawat puso't isip ay ating patagusin