MAG-INGAT SA TIBANI AT/O TIBARI
kumpara sa halibyong o fake news ay anong tindi
ng panlilinlang na gawain ng mga tibani
at/o tibari na sa panloloko nawiwili
katulad ng matamis magsalitang trapo't imbi
kapara'y langgam kung magsalita sila't mangako
upang boto nati'y makuha ng trapong hunyango
na pag nanalo na sila'y talagang napapako
sa matamis nilang salita masa'y nabubuslo
gagawin daw bente pesos ang isang kilong bigas
pabababain daw ang presyo ng kilong sibuyas
kalaban daw ng korapsyon at magiging parehas
sila daw ang dapat mahalal pagkat sila'y patas
buti pa ang tibalyaw pagkat totoong balita
at di halibyong o fake news na sadyang mapanira
sa Kartilya ng Katipunan mababasang sadya
yaong: "Sa taong may hiya, salita'y panunumpa."
tingnan na lang ang kahulugan nila ng progreso
gawin daw ang Kaliwa Dam nang magkatubig tayo
nagtatayo ng tulay kaya bundok ay kinalbo
lupa'y minina upang tao raw ay umasenso
kaya mag-ingat tayo laban sa mga tibani
at/o tibari, kumbaga layon nila'y mang-onse
upang kumita o mahalal, ganyan ang diskarte
pagkat gawain na nilang tao'y sinasalbahe
- gregoriovbituinjr.
06.11.2023
* nasaliksik mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, pahina 1248