Sabado, Pebrero 18, 2023

Maraming sumamang matatanda sa Alay-Lakad

MARAMING SUMAMANG MATATANDA SA ALAY-LAKAD

kita ko iyon, maraming matatandang sumama
sa Alay-Lakad Laban sa Kaliwa Dam, talaga
may edad na babae't lalaki, lolo't lola na
para sa kinabukasan ng salinlahi nila

kita sa lakad ang katatagan ng mga buto
nakakasabay pa sila sa bawat ehersisyo
sakripisyo nila'y tanaw mo sa gatla sa noo
upang kinabukasan ay ipaglabang totoo

sa Alay-Lakad na ito'y sino kayang hihindi
kung nakapatungkol na sa buhay ng salinlahi
kahit matanda na'y sumama, buhay ay binahagi
anang isa, huling hininga man ang nalalabi

sumama siya rito para sa kinabukasan
ng kapwa katutubo, kagubatan, kalikasan,
sa kabundukang kanilang pinangangalagaan
at upang di na maitayo ang dambuhalang dam

sa mga matatanda, kami'y nagpapasalamat
na pinakitang halimbawa'y nakapagmumulat
na prinsipyo't sakripisyo'y di mo basta masukat
bahagi sila ng kasaysayang dapat masulat

- gregoriovbituinjr.
02.18.2023
* kinatha sa simbahan ng Famy, Laguna, bago matulog

Pagdatal sa Famy

PAGDATAL SA FAMY

maraming sumalubong sa aming isyu rin ay dam
taga-Pakil sila't nangangamba sa Ahunan dam
na isang hydropower project at Belisama dam
na nakasulat sa plakard nila't ano ang asam

silang mga apektado ng nasabing proyekto
bakit itatayo ang dam, pag-unlad nga ba ito?
ayos ba ang pag-unlad kundi sisirang totoo
sa kalikasan, kultura, at tahanan ng tao?

sa unang palapag na kami ng simbahan ngayon
makakapahinga na rin ang naglakad maghapon
ikalawang palapag sa unang lakaran noon
sa Lakad Laban sa Laiban Dam tumuloy din doon

muli, maraming salamat sa mga sumuporta
upang dakilang hangarin ay makamit talaga

- gregoriovbituinjr.
02.18.2023
* kinatha habang nagpapahinga kami sa simbahan ng Famy kung saan doon na rin kami naglatag ng banig at nagpalipas ng magdamag

Pahinga sa hangganan ng Quezon at Laguna


PAHINGA SA HANGGANAN NG QUEZON AT LAGUNA

pagsapit ng Kilometer Sixty-Nine nagpahinga
pagkalampas ng hangganan ng Quezon at Laguna
doon naghihiwalay ang Mabitac at Pililla
namuti sa kapote ang mahaba naming pila

pagkat umuulan noon, nakakapote lahat
umupo ako sa bato habang dinadalumat
ang adhikaing nakaatang sa aming balikat
na talagang kakayanin gaano man kabigat

upang irehistro ang pagtutol sa Kaliwa Dam
upang ipagtanggol ang buhay at kinabukasan
at depensahan ang lupang ninuno't kalikasan
lalo ang Sierra Madre, ang buong kabundukan

buti't ako'y nakiisa, kaya damang-dama ko
ang kanilang ipinaglalaban, at ang prinsipyo
dama mo ito kung nauunawaan ang isyu
kaya sila'y ipaglalaban mo hanggang sa dulo

- gregoriovbituinjr.
02.18.2023
* kinatha habang nagpapahinga sa simbahan ng Famy kung saan doon na rin kami naglatag ng banig at nagpalipas ng magdamag

Sa UP at sa Barangay Kapatalan



SA UP AT SA BRGY. KAPATALAN

tilapyang sinabawan yaong inagahan namin
naglagay ng tubig sa bote't nakasipilyo rin
maya-maya'y humanay na't umpisa ng lakarin
upang ipagpatuloy ang minimithing layunin

may sumalubong sa UP, nagpameryenda sila
saging na lakatan, biskwit, isang boteng tubig pa
mga katutubo ang nangolekta ng basura
makikita mo talagang sila'y may disiplina

tumuloy sa covered court ng Barangay Kapatalan
sa Siniloan, habang hintay ang pananghalian
ay nagbasketbol ang ilang matanda't kabataan
alas-diyes y medya, ang init ay katamtaman

may namigay pa roong isang plastik ng pilipit
ramdam mo ang suportang di nila ipinagkait

- gregoriovbituinjr.
02.18.2023
* kinatha ng tanghali habang nagpapahinga sa covered court Barangay Kapatalan sa Siniloan, Laguna

Isang minutong katahimikan

ISANG MINUTONG KATAHIMIKAN

isang minutong katahimikan
ang inalay bago mag-agahan
para sa kasamang namatayan

narinig ko sa nagsasalita
kaya iniyuko ko ang mukha
bilang paggalang sa namayapa

ikapito nang kami'y naglakad
kahit marami na ang may edad
na asam kamtin ang hinahangad

- gregoriovbituinjr.
02.18.2023

* kinatha ng umaga sa simbahan ng Brgy. Llavac, Real, Quezon