Sabado, Mayo 25, 2024

Ano ang gusto mong kape?

ANO ANG GUSTO MONG KAPE?

ano ang gusto mong kape?
nang tuminik sa diskarte
sikmura'y minamasahe?
o pampaayos ng siste?

nais mo ba'y Cafe Puro?
Ricoa ba'y paborito?
Nescafe, Great Taste ba ito?
ako? ay, kapeng barako

magkakape sa umaga
bago puntang opisina
o sa rali sa kalsada
kape'y popular talaga

ginigising ang isipan
pati ang buong kalamnan
maaaring mabawasan
yaong taba sa katawan

anong kapeng iyong nais?
yaong pampawi ng inis?
huwag lang sobra sa tamis
upang iwas-diabetes

magkape pag nakatunghay
sa laban ni Manny Pacquiao
o kaya'y pag nagninilay
sa malayo nakatanaw

- gregoriovbituinjr.
05.25.2024

* litrato mula sa google

Nagrali laban sa Israel, sinipa ng iskul

NAGRALI LABAN SA ISRAEL, SINIPA NG ISKUL

tama lang namang lumahok sa rali
laban sa Israel na asta'y Nazi
ngunit U.S. ito'y kinukunsinti
pinatay mang Palestino'y kayrami

ngunit na-kickout ang babaeng anak
ni Kim Atienza matapos sumabak
sa anti-Israel raling palasak
na sa mundo't lalo pang lumalawak

na-kickout ang anak ni Kim Atienza
sa University of Pennsylvania
pagkat isa sa lider si Eliana
sa higit dalawang linggong protesta

ng Gaza Solidarity Encampment
na nagsikilos sa loob ng UPenn
hustisyang panawagan nila'y dinggin:
itigil ang pagmarder sa Palestine!

tangi kong masasabi'y pagpupugay
kay Eliana na nanindigang tunay
gawain ng Israel na pagpatay
sa Palestino'y kahudasang lantay

- gregoriovbituinjr.
05.25.2024

* ulat mula sa pahayagang Abante, ika-25 ng Mayo, 2024, pahina 2

Ang laban ng tsuper

ANG LABAN NG TSUPER

ang laban ng tsuper, sabing mariin
ay laban ng konsyumer tulad natin
ang kanilang panawagan ay dinggin
at sa laban sila'y samahan natin

lalo na't tayo'y pasahero ng dyip
sa modernisasyon, sila'y nahagip
di tayo payag na ma-phase out ang dyip
na kasama na mula magkaisip

ang sabi pa, wala raw ibang ruta
kundi ang landas ng pakikibaka

sigaw nila: Prangkisa, Hindi ChaCha
sa kanila, ako'y nakikiisa

phase out ang sa kanila'y kumakatay
ngayon, mawawalan ng hanapbuhay
ang mga tsuper na di mapalagay
kaya dapat tulungan silang tunay

- gregoriovbituinjr.
05.25.2024

* litratong kuha ng makatang gala sa tarangkahan ng Senado, 05.22.2024

Sabaw ng nilagang bawang

SABAW NG NILAGANG BAWANG

iniinom ko sa umaga
ay nilagang bawang tuwina
pampatibay daw, sabi nila
animo'y kinakape ko na

pampalakas ng immune system
na may active compound allicin
na ang mikrobyo'y papatayin
nang di tayo maging sakitin

ito'y payo ng matatanda
maganda ang bawang na laga
sabaw ay iinuming kusa
parang salabat na tinungga

higit sampung butil ang bilang
nitong bawat kumpol ng bawang
araw-gabi'y inumin lamang
sa sakit na'y may pananggalang

pag ubos ko ng isang baso
ng bawang ay babantuan ko
ng mainit na tubig ito
at tiyak ako na'y ganado

- gregoriovbituinjr.
05.25.2024