Martes, Hunyo 17, 2025

Payo sa tulad kong Libra

PAYO SA TULAD KONG LIBRA

tinapik ako ng malamig na hangin
tulad ng pagtapik ni misis sa akin
habang may musika sa silid ng lumbay
may naggigitara habang naglalamay

di ako naniniwala sa horoscope
subalit payo nito ay tila angkop
gamot daw sa lungkot ang ihip ng hangin
tulad ng tumapik na hangin sa akin

nakahiligan kong bumili ng dyaryo
nagsasagot ng palaisipan dito
sa Bulgar, may horoscope itong katabi
na minsan, mababasa ko ang sinabi

oo, isa akong Libra, Oktubre Dos
kaya horoscope ko'y binasa kong lubos
salamat po sa payo nitong kaysidhi
sa panahon ngayong nagdadalamhati

- gregoriovbituinjr.
06.19.2025

* mula sa horoscope sa pahayagang Bulgar, June 17, 2025, p.9

Mga paalala ni misis

MGA PAALALA NI MISIS

bago mawala si misis ay
kayrami niyang paalala:

"Huwag kang magpupuyat"
"Kumain ng tama sa oras"
"Laging inumin ang vitamins"
"Huwag magpatuyo ng pawis"
"Huwag laging nasa initan"
"Huwag magpagabi"
"Alagaan ang sarili"
"Laging mag-iingat"

bilin niya'y mapagmahal
na nais kong sundin naman
at lagi kong tatandaan
maraming salamat, mahal
sa munti mong paalala
lagi mo ring tatandaan
lagi ka sa puso't diwa
at mahal na mahal kita

- gregoriovbituinjr.
06.17.2025

Gawaing pagsasalin

GAWAING PAGSASALIN

nang maiburol si ama 
noong nakaraang taon
may gawaing pagsasalin
ako noong tinatapos

nang ibinurol si misis
na namatay din sa sakit
may gawaing pagsasalin
ako ngayong tinatapos

nitong Marso'y inilunsad
ang aklat kong isinalin
ilang taong nakaraan
ay tatlong aklat pambata

magmula sa wikang Ingles
ay isasa-Filipino
maging tapat sa pagsalin
at maunawaan ito

pagsasalin ay trabaho
kong pinagkakakitaan
trabaho'y tuloy, panahon
man ng pagdadalamhati

may deadline, nais tapusin
kahit nasa burol man din
isang gawaing niyakap
ng buong puso't layunin

- gregoriovbituinjr.
06.17.2025