ANG KAHIRAPAN AY HINDI GUHIT NG PALAD
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod
may dahilan kung bakit ang buhay ng dukha'y sadsad
sa labis-labis na karukhaan ay ipinadpad
gayong di naman tadhana ang dahilan ng lahat
kundi sistemang sanhi kung bakit may kulangpalad
kayraming dukhang ang palad ay laging nakalahad
nagbabakasakaling magbigay ang bukaspalad
bakasakali sa mga nagpapasasa't bundat
itatawid sa gutom ang pamilyang sawimpalad
inaral ang kalagayan, bakit may mga uri
bakit mga tao sa lipunan ay nahahati
bakit kayraming api, iilan ang naghahari
bakit mayorya'y nasasadlak sa pagkaduhagi
nais nilang mabago ang bulok na kalagayan
nasuring kaunti lang sa bayan ang nagsiyaman
mayoryang kaysisipag ay sadlak sa karukhaan
napagtantong di guhit ng palad ang kahirapan
pangarap nilang ang bulok na sistema'y tumirik
di tamang mga anak nila'y sadlak din sa putik
dukha silang dinukha’t dapat silang maghimagsik
rebolusyonaryong pagbabago'y kanilang hibik
likhang yaman ng obrero'y ipamahaging ganap
sa lipunang ang buhay ng masa’y aandap-andap
samahan natin silang tupdin ang pinapangarap
na makataong lipunan, pantay, at mapaglingap