Miyerkules, Pebrero 16, 2022

Ipanalo ang atin

IPANALO ANG ATIN

ipanalo ang atin
na lider na magaling
plataporma n'ya'y dinggin
namnamin at isipin

pinanday ng panahon
ang lider nating iyon
na tatanggal paglaon
sa kontraktwalisasyon

pakinggang magsalita
ang lider-manggagawa
na ang inaadhika
kabutihan ng madla

dala n'yang pagbabago'y
pangmasa, pang-obrero
na hangaring totoo'y
lipunang makatao

Ka Leody de Guzman
para sa panguluhan
ipanalo't ilaban
para sa sambayanan

- gregoriovbituinjr.
02.16.2022

Palaisipan

PALAISIPAN

palaisipan
aking aliwan
nagpapagaan
sa pakiramdam

tanong, alamin
iyong basahin
sagot, isipin
mabubuo rin

banoy, agila
sayaw, lambada
dilag, dalaga
misis, asawa

isda ay dilis
gulay, kamatis
tubigan, batis
kutis, makinis

may isang salot
kayhabang buntot
amoy maantot
lagim ang dulot

palaisipan
tayo'y maglibang
nakakagaan
ng pakiramdam

- gregoriovbituinjr.
02.16.2022

Lasbat nat dalis

LASBAT NAT DALIS

laspag nga ba ang dilis
nang ito'y humagibis
tumalon at nagburles
sa ilog na malinis
o malawak na batis

ayokong magmalabis
sa paggawa ng hugis
di man gayon katulis
ako pala'y mabilis
napasagot si misis

minsan paalis-alis
na maganda ang bihis
hanap ay mangga't atis
paborito ng buntis
na pagsinta'y kaytamis

problema'y napapalis
ulam ko man ay dilis
at sawsawan ay patis
sa pila man magtiis
ako'y lasbat nat dalis

- gregoriovbituinjr.
02.16.2022