Martes, Mayo 4, 2021

Dalawang nakahahalinang pamagat

DALAWANG NAKAHAHALINANG PAMAGAT

dalawang pamagat ang sa akin nakahalina
sa eskaparate ng bookstore ay aking nakita
ang isa'y paano makakaligtas sa pandemya
habang paano naman hindi mamatay ang isa

sadyang napapanahon ang mga nasabing aklat
sa pandemya'y kayraming namatay, kagulat-gulat
nais kong basahin ang nilalaman kung mabuklat
nais ko sanang bilhin, ngunit salapi'y di sapat

kung may pera, gutom muna'y uunahing lutasin
at kung may sobrang salapi saka libro'y bibilhin
kapara ba nito'y survival kit? anong gagawin?
tulad ng bagyo, lindol, sunog, pag nangyari man din?

tiyak na matatalakay dito ang kasaysayan
ang Spanish influenza ng siglong nakaraan
ang Bubonic Plague na milyon ang namatay naman
ang Black Death na sa Asya't Europa ang dinaanan

paano nakaligtas ang madla noon sa sakit
pandemya'y paano natakasan ng mga gipit
ah, pagbili ng aklat nga'y bakasakaling pilit
habang naritong tila sa patalim kumakapit

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala sa Fully Booked sa Gateway sa Cubao.

Peyon tugaw

PEYON TUGAW

kumbaga sa chess o ahedres iyon ay touch move na
di maaaring ibalik pag iyo nang natira
di na mababago ang naisulong mong piyesa
tawag pala'y peyon tugaw kapag sa larong dama

may lokal na katawagan, salitang Ilokano
sa gayong maling tira't patakaran pala ito
ang touch move sa Ingles ay may katumbas pala rito
peyon tugaw ang lokal na salita natin dito

touch move ka na, peyon tugaw ka, anang manlalaro
kaya mandaraya'y sa hiya tiyak manlulumo
salitang ambag sa isports na di dapat maglaho
isa ring disiplina't paghusayan pa ang laro

kaya peyon tugaw ay salitang gamiting sadya
na ambag sa pagpapaunlad ng sariling wika
sa mga torneyo ay gamitin na ang salita
upang mabatid ng masa't gamitin nilang kusa

kaysarap ilapat sa tula ang wikang sarili
magpatuloy lang magsaliksik ng mga ganiri
ilapat sa tula bakasakaling makumbinsi
ang bayan na sa wika ay makapagsasarili

- gregoriovbituinjr.

* peyon tugaw - salitang Ilokano, na ang ibig sabihin ay patakaran sa larong dama na hindi na maaaring ibalik ang naisulong na piyesa at magbago ng tira, mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, pahina 965.

Pinababantayan ang mga community pantry

PINABABANTAYAN ANG MGA COMMUNITY PANTRY

sa ulat, higit tatlong daang community pantry
ang binabantayan ng kapulisan, na ang sabi
dapat health protocol ay nasusunod ng marami
di ba dahil community pantry'y communist party?

sana naman, hindi sila nagkamali ng dinig
community pantry na sa damayan nakasandig
at di communist party na kanilang inuusig
kundi'y parang community pantry na'y nilulupig

grabe, subalit iyon ang sinabi sa balita
sana'y pagbantay sa health protocol ang ginagawa
at di ang manmanan yaong mga nangangasiwa
na bayanihan mismo'y tinatakot, ginigiba

ang community pantry'y anong ganda ng konsepto
ngunit binanatan pa ng ignoranteng pangulo
ignorante raw ang mga nagpasimuno nito
gayong nagbabayanihan naman ang mga tao

gulat sila nang community pantry'y magsulputan
ramdam kasi ng rehimen na sila'y nasapawan
kaya community pantry na'y pinababantayan
subalit patuloy pa rin ang pagbabayanihan

mahabang pila ng taong gutom ay napapansin
na sa pamilya'y nais mag-uwi ng makakain
sundin ng community pantry ang social distancing
bakasakaling pulisya'y iyon lang ang naisin

- gregoriovbituinjr.

Hazard pay ng mga frontliner, ibigay


HAZARD PAY NG MGA FRONTLINER, IBIGAY

hazard pay o sahod sa mapanganib na gawain
na tulad ng mga medical frontliners sa atin
dahil sa pananalasa ngayon ng COVID-19
marapat lang na hazard pay nila'y ibigay na rin

subalit may ulat na iyon ay naaantala
iyon ang sinabi ng mga nars at manggagawa
may trabaho sa gitna ng pandemya'y walang-wala
at pag nagutom pa ang pamilya'y kaawa-awa

ang hazard pay ba nila'y kailan pa ibibigay?
kung sa sakit ba manggagawa'y mawala nang tunay?
kung kanilang pamilya'y sinakbibi na ng lumbay?
sinong dapat makinig? sinong dapat umalalay?

ibigay ang hazard pay ng mga frontliner natin
ito'y munting kahilingan nilang dapat lang dinggin

- gregoriovbituinjr.

Ulam na talbos ng sayote

ULAM NA TALBOS NG SAYOTE

padala naman ni misis ang talbos ng sayote
iba sa nakasanayang talbos ng kamote
inilaga ko't isasawsaw sa toyong may sili
aba'y napakasarap, baka ako'y makarami

tara, kain tayo, talbos ng sayote ang ulam
pag natikman mo, alalahanin mo'y mapaparam
oo, sapagkat ganito ang aking pakiramdam
lalo't magana kang kumain dahil malinamnam

nakapagtanim na rin ako minsan ng ganito
sayoteng magugulang ang sa lupa'y ililibing mo
at susuloy na ito ng ilang buwan o linggo
kasama si misis ay itinanim namin ito

ngayon, may pang-ulam nang talaga namang kaysarap
upang may makain kahit ang buhay ay mahirap
tatalbusin lamang ang dulo ng mga pangarap
lalo na't may pandemyang kagutuman ang kaharap

- gregoriovbituinjr.

Pulutgata sa Mindanao

PULUTGATA SA MINDANAO

minsan na kaming nagpunta ng Mindanao ni misis
nang dumalo sa Third Philippine Environment Summit
kasalamuha'y grupo't kapwa environmentalists
umalalay sa mga nag-organisa ng summit

nakapag-ikot din sa marami roong tanawin
bukod sa Cagayan de Oro ay sa Bukidnon din
mahalagang pagmumulat ang aming mga gawain
upang ating kalikasan ay alagaan natin

magandang gawain, memorableng karanasan
na kalagayan ng kalikasan ay pag-usapan
na maraming problemang dapat bigyang kalutasan
napagtantong mapangwasak ay sa tubo gahaman

ugali lang ng tao ang tukoy nilang problema
na sila ring di masabing problema'y ang sistema
subalit mabuti na ring sila'y nag-aalala
habang pulutgata nami'y di naman naabala

- gregoriovbituinjr.