Sabado, Oktubre 17, 2015

Sa sulok ng balintataw

SA SULOK NG BALINTATAW
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

pinagmamasdan ko ang mutyang laging dumadalaw
sa panagimpan ko'y nasa sulok ng balintataw
kayrikit niyang anghel na iniluwa ng araw
na doon sa alapaap masayang nagsasayaw

pag siya'y nasulyapan, iwing puso'y nadudurog
kamay niya'y nakamtan na ng mayamang inirog
ako'y walang nagawa't pangarap niya'y kaytayog
ang rosas kong handog sa kumunoy na napalubog

marami pang paraluman, payo ng kaibigan
habang tumatagay sa kaliwanagan ng buwan
lumayo muna kaya't lakarin ang kabundukan
tawirin ang dagat, tahakin ang mga lansangan

baka puso'y muling uminog pag may bagong mutya
di sa pangamba, kundi sa tuwang wala nang sigwa