Sabado, Agosto 9, 2014

Malaking piitan ang Gaza

MALAKING PIITAN ANG GAZA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

malaking piitan ang Gaza, oo, bilangguan
ang preso’y mga Palestinong walang kasalanan
kundi ang magnasang umuwi sa sariling bayan
ngunit ang pasalubong sa kanila’y kamatayan

mga preso silang binobomba ng nasa laya
ang di patas na gera’y sa kanila raw nagmula
ngunit nagaganap ay masaker, at hindi digma
sa kanilang buhay ay patuloy ang pagbabanta

ang pinalalaganap sa kanila'y dyenosidyo
lahi’y inuubos, pinapaslang ang kapwa tao
minamasaker ng makapangyarihang sundalo
dinuduro maging kanilang puri’t pagkatao

mga preso silang pinapaslang ng nasa laya
buhay sa bilangguan ay sadyang kaawa-awa
napakarami nang nasawing matatanda't bata
tayo bang wala roon ay magwawalang-bahala?

dapat umiral doon ang karapatang pantao
mabuwag ang pader sa pagitan ng kapwa tao
dapat tuluyan nang lumaya silang Palestino
at magandang bukas ay makamtan nilang totoo

* mga litrato mula sa facebook 

Awit ni Maria Clara - ni Jose Rizal

AWIT NI MARIA CLARA
ni Jose Rizal
malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

Kaytamis ng mga oras sa bayang tinubuan,
kung saan magiliw yaong araw na kumikinang
Simoy yaong buhay na winawalis yaong parang
ang pagsinta’y magiliw, tahimik ay kamatayan.

Naglalaro sa mga labi'y mainit na halik
habang nakaharap sa aming ina kami'y gising
pinapangarap siyang yapusin ng mga bisig
mga mata'y ngumiti habang sila'y nakatitig

Kaytamis kung mamamatay sa bayang tinubuan,
kung saan magiliw yaong araw na kumikinang!
Simoy yaong kamatayan sa sinumang nilalang
na walang pag-ibig, walang ina, at walang bayan


Song of Maria Clara
Jose Rizal

Sweet the hours in the native country,
where friendly shines the sun above!
Life is the breeze that sweeps the meadows;
tranquil is death; most tender, love.

Warm kisses on the lips are playing
as we awake to mother's face:
the arms are seeking to embrace her,
the eyes are smiling as they gaze.

How sweet to die for the native country,
where friendly shines the sun above!
Death is the breeze for him who has
no country, no mother, and no love!

Pinag-isa tayo ng Cuba - ni Jose Marti

PINAG-ISA TAYO NG CUBA
ni Jose Marti
malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

Pinag-isa tayo ng Cuba sa dayong lupa,
Banaag sa Cuba yaring awit ng pagsinta:
Cuba ang iyong puso, aking langit ang Cuba
Sa iyong aklat, ang Cuba ang aking salita.


CUBA UNITES US
Jose Marti

Cuba unites us in a foreign land,
Our love longs for Cuban dawns:
Cuba is your heart, Cuba is my sky,
In your book, Cuba is my word.


Cuba nos une
Jose Marti

Cuba nos une en extranjero suelo,
Auras de Cuba nuestro amor desea:
Cuba es tu corazón, Cuba es mi cielo,
Cuba en tu libro mi palabra sea.