ALTANGHAP
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod
nauso ang salitang altanghap
sa pamayanan ng mahihirap
sa isang araw ang kakainin
ay isang beses lang bubunuin
almusal, tanghalian, hapunan
tatlong kaing pinag-isa lamang
di ka naman binagyo sa lungsod
sadya lamang kayhirap kumayod
di naman nasalanta ng unos
ngunit buhay ay parang busabos
pag altanghap ang iyong kinain
para kang nagdidildil ng asin
nagtitiis ka sa dusa't hirap
parang walang kapanga-pangarap
anak ay huwag mong pakainin
ng altanghap kundi kumpletuhin
almusal, tanghalian, hapunan
araw-araw ay tatlong kainan
nang anak mo'y lumaking malusog
tumalino pagkat laging busog