Sabado, Pebrero 12, 2022

Sticker

STICKER

bumili ako ng dalawang sumbrero kahapon
sa Quiapo, singkwenta pesos lang ang isa niyon
upang dikitan ko ng sticker, ito ang layon
upang sa bawat kong pagbiyahe'y masuot iyon

upang mabasa ng sinumang makasalubong ko
na tumatakbong pangulo'y isang lider-obrero
at kaharap sa dyip at M.R.T.'y mabasa ito
may kandidatong manggagawa sa pagkapangulo

kaya pagdating sa bahay, ito'y agad nilabhan
sa Surf powder ay dalawang oras binabad naman
binanlawan ko't piniga, nilagay sa sampayan
magdamag pinatuyo, kinuha kinabukasan

imbes pagkain, pera'y ibinili ng sumbrero
bilang aking pagtaya at ambag sa kandidato
ng uring manggagawang tumakbong pagkapangulo
ako sa kanya'y nagpupugay ng taas-kamao

ambag ko sa kampanya'y batay lang sa kakayanan
lalo't kumikilos pa ring buong panahong pultaym
di man sapat ang pera sa bulsa, may kakayahang
itaguyod ang ating kandidato sa halalan

- gregoriovbituinjr.
02.12.2022

#ManggagawaNaman
#KaLeodyDeGuzmanforPresident

Utang

UTANG

ayokong mabuhay upang magbayad lang ng utang
lalo sa buwanang hulog, lalo't loan sharks pa naman
hangga't kaya kong di mangutang ay di mangungutang
lalo't di ko alam paano iyon mabayaran

hulog ng hulog sa interes imbes sa prinsipal
ito ang maling sistema sa utang na nakintal
kumikita pa lang sa interes, anong garapal
na sistemang nakakatigagal, para kang kupal

ang interes ba'y bayad sa iyong pang-aabala
kaysa direktang bayaran ang utang mo talaga
sa ganyan yaong loan sharks tumutubo't kumikita
sistema ng mga talagang nagsasamantala

kung ako'y may utang, babayaran ko lang ang utang
'yung mismong prinsipal na utang, nang di mabigatan
bakit babayaran ang interes na di inutang
ginawa ang gayong sistema nang makapanlamang

mangungutang lang ako kung talagang emergency
lalo't buwis-buhay, kalusugan na'y binibili
pambayad sa ospital, sa gamot, sa mga bwitre
isasangla ang kaluluwa sa mga salbahe

- gregoriovbituinjr.
02.12.2022

Sa pagkalagas ng pakpak

SA PAGKALAGAS NG PAKPAK

saan susuling kung ako'y nalagasan ng pakpak
at di na mabatid bakit sa putikan nasadlak
tiningnan ko ang lipunan, bakit may hinahamak
bakit dukhang kaysipag ay gumagapang sa lusak

di naman katamaran ang sanhi ng luha't dusa
bakit mahirap ang masisipag na magsasaka
na madaling araw pa nga'y nasa kabukiran na
upang tingnan ang tanim nilang alaga tuwina

walong oras sa pagtatrabaho ang manggagawa
madalas pang mag-overtime, sahod kasi'y kaybaba
ngunit bakit naghihirap ang kawal ng paggawa
binabarat kasi ang sahod nilang kaysipag nga

kapalaran nga ba iyang sanhi ng paghihirap?
ika nga ng pastor, mapapalad ang naghihirap!
populasyon ba ang sa hirap ay nagpalaganap?
mangmang ba ang dukha kaya di sila nililingap?

payo ng isang guro, pag-aralan ang lipunan
bakit laksa'y naghihirap at may ilang mayaman
ah, bakit nga ba may iskwater sa sariling bayan
pribadong pag-aari nga'y ugat ng kahirapan

magsasaka'y walang masarap na kaning masandok
dalagang bukid ay sa pagpuputa inaalok
bakit ba kayraming taong sa hirap nakalugmok
ika nga, panahon nang baligtarin ang tatsulok

lagas man ang aking pakpak, dapat pa ring kumilos
upang baguhin ang kalagayang kalunos-lunos
ngunit wala tayong maaasahang manunubos
kundi sama-samang pagkilos ng mga hikahos

sa gayon ay mapapanumbalik ang mga pakpak
muli tayong babangon mula sa pagkapahamak
upang makalipad sa himpapawid na malawak
at ang bulok na sistema'y tuluyang maibagsak

- gregoriovbituinjr.
02.12.2022