Sabado, Abril 10, 2021

Pusang itim

anong kasalanan ng pusa kung siya'y maitim
anong kasalanan ng Negro kung sila'y maitim
takot sa pusang itim, dahil ba sa pamahiin
pag may nakitang pusang itim, disgrasya'y darating

pamahiin ay walang siyentipikong batayan
walang patunay sa agham ang paniwalang iyan
panakot lang daw ng matatanda sa kabataan
upang umuwi agad ng maaga sa tahanan

may akdang "The Black Cat" ang makatang Edgar Allan Poe
bantog na awtor ng mga kwentong horror sa mundo
pusang itim nga ba'y nakakatakot na totoo
o sapagkat natakot ang madla sa kwento ni Poe

pag sa paglalakad mo, pusang itim ay nakita
huwag ka na raw tumuloy, baka ka madisgrasya
at baka sa anumang gagawin mo'y malasin ka
tawag sa pagkatakot na ito'y mavrogatphobia

subalit ano bang kasalanan ng pusang itim
upang ituring siyang tagapagdala ng lagim
wala, kundi ipinanganak lang siyang maitim
ang masama'y ang maniwala pa sa pamahiin

- gregoriovbituinjr.

Baliwag na diwa

bihira lang may mag-like sa tula kong isinulat
di mag-like dahil marahil tulang may tugma't sukat
bagamat baliwag na diwa'y inakdang maingat
bagamat talinghaga'y sisisirin pa sa dagat
kayâ kung nag-like ka, taos-pusong pasasalamat

baliwag na diwa, talinghagang di pa unawa
na kinapapalooban ng layon ko't adhika
sa katutubong panitikan ay namamanata
na itataguyod ang akda sa sariling wika
nawa ito'y mamunga ng nagniningas na diwa

minsan sa pag-iisa ko'y naroong naninindim
hinahatak ang talinghaga sa balong malalim
upang ikwento ang tokhang na karima-rimarim
pagkat maraming tinimbuwang sa gabi ng lagim
agam-agam ang panlipunang hustisya sa dilim

naroroon kaya ang pag-ibig sa mga ulap
habang nananaghoy ang mga pusong naghihirap
ang hustisya kaya'y makakamtan sa hinaharap
karapatang pantao ba'y rerespetuhing ganap
maaabutan pa kaya ang lipunang pangarap

kayraming baliwag na diwang dapat isaisip
nabubuo ang haka sa kutob na di malirip
kinabukasan ng bansa'y paano masasagip
laban sa mapagsamantala, mapang-api't sipsip
kalagayan ay totoo, di isang panaginip

- gregoriovbituinjr.