Martes, Setyembre 23, 2025

Sigaw ni Maris: Serbisyo sa tao, huwag gawing negosyo!

SIGAW NI MARIS: SERBISYO SA TAO, HUWAG GAWING NEGOSYO!

si Maris Racal, isinigaw ngang totoo
"Serbisyo sa tao, huwag gawing negosyo!"
aba'y isinisigaw din ng dukha ito
pagkat ito'y kanilang tindig at prinsipyo

umalingawngaw ang kanyang boses sa bidyo
titindig talaga ang iyong balahibo
pagkat kayraming ipinaglalabang isyu
ang karapatan, pabahay, NAIA, sweldo

pampublikong serbisyo'y di dapat negosyo
ng oligarkiya't ng dinastiyang tuso
ng burgesya't ng kapitalistang dorobo
na ninanakawan ang taumbayan mismo

kaya maraming salamat sa iyo, Maris
pagkat sa sambayanan ay nakipagbigkis
hiniyaw mo'y tagos sa puso't aming nais
paninindigan itong di dapat magmintis

- gregoriovbituinjr.
09.23.2025

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://web.facebook.com/reel/1129007608615208 

Artistang sina Maris at Andrea laban sa korap

ARTISTANG SINA MARIS AT ANDREA LABAN SA KORAP

sa Luneta, Maris Racal at Andrea Brillantes
lumaban na rin sa korapsyon, di na nakatiis
kasama ng sambayanan, sila'y nakipagbigkis
upang mga korap ay mapanagot, mapaalis

tangan nilang plakard ay may magandang nilalayon
mula Philippines-Palestine Friendship Association
para sa bayan, para sa masa, may isang misyon
sana'y kamtin ng bayan ang panawagan at layon

LAHAT NG KORAP, DAPAT MANAGOT! ang hinihiyaw
ng sambayanang sa hustisya'y kaytagal nang uhaw
ang bawat korapsyon ay nakatarak na balaraw
sa masang minaliit, na sa pang-aapi'y ayaw

mabuhay kayo, Maris at Andrea, pagpupugay!
di lang sa pag-aaartista pinakita ang husay
pagkat ayaw n'yo ring kabang bayan ay nilulustay
ng mga ganid sa pwesto't mga gahamang tunay!

- gregoriovbituinjr.
09.23.2025

* mga litrato mula sa fb

Basta may rali, umulan man ay lalabas

BASTA MAY RALI, UMULAN MAN AY LALABAS

basta may rali, umulan man ay lalabas
ganyan pag inadhika mo'y lipunang patas
paninindigan ang prinsipyo hanggang wakas
pagkat sa diwa't puso'y inukit nang wagas

nasa bahay magsusulat pag walang rali
pagsulat para sa bayan ay pagsisilbi
may upak sa mga proyektong guniguni
lalo na't sa isyung ito'y di mapakali

rain or shine, ang rali ay talagang tungkulin
di maga-absent pagkat nililikha natin
ay kasaysayan, basta payong laging dalhin
marami pang laban, huwag maging sakitin

ito nga'y tungkuling talaga kong niyakap
umulan man, nagsisipag at nagsisikap
kolektibong tutupdin ang mga pangarap
upang ginhawa'y kamtin ng bayan nang ganap

- gregoriovbituinjr.
09.23.2025

* mapapanood ang munting bidyo sa kawing na: https://web.facebook.com/share/v/1Ca7j42Yqm/