Sabado, Pebrero 26, 2022

Babasagin

BABASAGIN

sa isang tindahan ay taguyod
ang abisong may banta sa sahod
karatula: "Good to see, nice to hold"
sabi pa: "Once broken, considered sold"

tila makata'y kumatha niyan
lalo na't kayganda ng tugmaan
pag nakabasag, dapat bayaran
kaya sa pagpili'y dahan-dahan

sa atin nga'y may salawikain
pag bahay mo'y yari sa salamin
maging mabait sa kapwa natin
dahil baka bahay mo'y basagin

bawat kalakal ay di pa iyo
lalo't tinitingnan pa lang ito
pag nakabasag ka, kung magkano
ang produkto'y dapat bayaran mo

kung di bibili'y huwag didikit
sa mga babasagin mong hirit
karatula'y pagmamalasakit
kung makabasag ka'y anong lupit

- gregoriovbituinjr.
02.26.2022

Tatlong imahe sa EDSA

TATLONG IMAHE SA EDSA

dalawang litrato, isang rebulto
ng tatlong babae ang nakunan ko
natsambahan lang makodakan ito
tatlong imahe sa EDSA'y kanino?

dahil sa People Power ay nalagay
yaong rebulto ng Mahal na Inay
ng isang relihiyon, inialay
tanda raw ng sampalatayang tunay

isang litrato'y Pinay na artista
isa namang litrato'y Koreana
nagpapatalastas sila sa EDSA
ng mga produktong modelo sila

salbaheng daliri'y napitikan lang
ang kamera sa selpong aking tangan
kayganda ng lumabas na larawan
tila propesyunal na cameraman

- gregoriovbituinjr.
02.26.2022
litratong kuha ng makatang gala habang lulan ng isang sasakyan

Ang EDSA

ANG EDSA

sa matinding trapik kilala ng madla ang EDSA
may estasyon ng M.R.T. at may bus carousel pa
di lang iyon, may mahalaga rin itong historya
napatalsik ang diktador nang masa'y nag-alsa

taos pasasalamat sa ating mga ninuno
sa kabayanihang ginawa't kanilang tinungo
ang pagbaybay sa demokrasya laban sa palalo
at nakibaka laban sa mga crony't hunyango

ngayon, EDSA'y larawan ng matinding nakalipas
ng kabayanihan ng bayan laban sa marahas
nangarap ng pagbabago, bus ay pakitang gilas
nagtataasan ang billboard, tadtad ng patalastas

EDSA'y pinangalan kay Epifanio Delos Santos
abogado, pintor, kritiko, may-akda ring lubos
at historyan din, para sa bayan ang ikinilos
upang buhay ng masa'y di maging kalunos-lunos

mainit ang panahon, ramdam ko ang alinsangan
at ginunita pa rin ang nagdaang kasaysayan
umaasang di maulit ang ganoong nagdaan
na yumurak sa dangal at karapatan ng bayan

- gregoriovbituinjr.
madaling araw, 3:47 am, 02.26.2022 litratong kuha sa MRT noong 02.25.2022