Miyerkules, Disyembre 2, 2009

Dugo sa Kamay

DUGO SA KAMAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

kayrami nang mamamayan yaong pinaslang
sa ilalim ng kasalukuyang rehimen
ito'y mga buhay na kanilang inutang
at dapat pagbayarin ang mga salarin

di mapapawi ang dugo sa kamay nila
kahit sabunang maigi't sila'y maghugas
pagkat kasalanang ito'y nakatatak na
sa kasaysayan at maysala'y mga hudas

nariyan pa ang dugo sa kanilang kamay
at marahil ito'y tumagos na sa balat
mga dugong iyan ang magiging patunay
na sa mata ng lahat, hustisya ang dapat

hustisya, hustisya, nasaan ka, hustisya
ito ang sigaw ng maraming mamamayan
ibigay ang hustisya sa mga biktima
may dugo sa kamay ay dapat parusahan

Payo sa mga nais magsulat

PAYO SA MGA NAIS MAGSULAT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

isulat mo ang iyong mga kutob
mula doon akda mo'y makakatas

maraming balitang nakakubakob
sa daigdig ng mga mararahas

makata'y dapat matutong lumusob
at inasinta ng tula'y mautas

magsulat ka't mag-isip ng marubdob
mag-isip ka't magsulat ng parehas

isatitik mo ang nasasaloob
upang malaman ng nasasalabas

Muli, sa isang babaeng makata

MULI, SA ISANG BABAENG MAKATA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig bawat taludtod

sadyang kayganda ng hagod
ng iyong mga taludtod
kaya akong abang lingkod
sa tula mo'y nalulugod

Kung pumapatay ka lang ng oras

KUNG PUMAPATAY KA LANG NG ORAS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

kayhirap ng buhay ng nakatunganga
sa buong maghapon walang ginagawa
dapat magtrabaho't ikaw na'y magkusa
kaysa bawat araw lagi kang tulala

kung sa bawat araw ay pinapatay mo
ang panahon mo sa iba't ibang bisyo
kung sa bawat araw ayaw magtrabaho
wala kang mapapala dito sa mundo

sa sarili mo'y agad magsimula ka
magsuri kang maigi imbes tumanga
ano bang kalagayan ngayon meron ka
bakit buhay na ito'y puno ng dusa

iyong pag-aralan ang kapaligiran
at pakasuriin ang kasalukuyan
ano ba ang lipunang ginagalawan
bakit may mahirap, bakit may mayaman

kaibigan, huwag magbilang ng poste
at baka matumbahan ka ng haligi
at ikaw pa ang kanilang masisisi
dahil laging bukambibig, "kasi, kasi"

huwag patayin ang oras, kaibigan
ang buhay natin ay di dapat masayang
kumilos tayo para sa kababayan
para sa pagbabago ng kalagayan

umpisahan nating magbasa ng aklat
pati mga dyaryo'y ating ibulatlat
suriin din ang mga istorya't ulat
nang sa sitwasyon ngayon tayo'y mamulat

sumama sa rali, maging aktibista
kaysa tumunganga'y sumama sa masa
halina't sumama tayong makibaka
upang baguhin ang bulok na sistema