Miyerkules, Disyembre 2, 2009

Kung pumapatay ka lang ng oras

KUNG PUMAPATAY KA LANG NG ORAS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

kayhirap ng buhay ng nakatunganga
sa buong maghapon walang ginagawa
dapat magtrabaho't ikaw na'y magkusa
kaysa bawat araw lagi kang tulala

kung sa bawat araw ay pinapatay mo
ang panahon mo sa iba't ibang bisyo
kung sa bawat araw ayaw magtrabaho
wala kang mapapala dito sa mundo

sa sarili mo'y agad magsimula ka
magsuri kang maigi imbes tumanga
ano bang kalagayan ngayon meron ka
bakit buhay na ito'y puno ng dusa

iyong pag-aralan ang kapaligiran
at pakasuriin ang kasalukuyan
ano ba ang lipunang ginagalawan
bakit may mahirap, bakit may mayaman

kaibigan, huwag magbilang ng poste
at baka matumbahan ka ng haligi
at ikaw pa ang kanilang masisisi
dahil laging bukambibig, "kasi, kasi"

huwag patayin ang oras, kaibigan
ang buhay natin ay di dapat masayang
kumilos tayo para sa kababayan
para sa pagbabago ng kalagayan

umpisahan nating magbasa ng aklat
pati mga dyaryo'y ating ibulatlat
suriin din ang mga istorya't ulat
nang sa sitwasyon ngayon tayo'y mamulat

sumama sa rali, maging aktibista
kaysa tumunganga'y sumama sa masa
halina't sumama tayong makibaka
upang baguhin ang bulok na sistema

Walang komento: