SONETO SA MAMAMASLANG
(tulang akrostika)
May araw din kayong pumapaslang ng inosente
Ang tulad nyo'y berdugong sayang-saya sa punebre
Yumurak sa buhay ng kapwa't nangamoy asupre
Ang ginawa ninyong sindak ay higit pa sa aswang
Rimarim ang idinulot sa laksang mamamayan
Astang sumisingasing na halimaw at tikbalang
Walang budhi't ang ginawa'y walang kapatawaran
Diyata't kayo'y uhaw sa dugo, uhaw sa dugo!
Iyang pinaggagawa'y kawalan ng budhi't puso
Na wala nang katarungan ay basag pa ang bungo
Karapatan at buhay ay sinabuyan ng putik
Ah, balang araw, babagsak din kayong mga lintik
Yayanigin din kayo ng budhing di matahimik
O dapat lang kaming sa poon ninyo'y maghimagsik!
- gregbituinjr.
* soneto - tulang may tugma't sukat, at binubuo ng labing-apat na taludtod
* tulang akrostika - basahin ninyo ang unang letra ng bawat linya at may mababasa kayong pangungusap
* tulang akrostika - basahin ninyo ang unang letra ng bawat linya at may mababasa kayong pangungusap