Lunes, Enero 22, 2024

Ang paghuhugas ng pinggan ay panahon ng pagkatha

ANG PAGHUHUGAS NG PINGGAN AY PANAHON NG PAGKATHA

may napansin sa sarili / kung paano ba kumatha
na habang nasa lababo, / may biglang nasasadiwa
doon ay napagtanto ko / yaong karanasang sadya:
ang paghuhugas ng pinggan / ay panahon ng pagkatha

kaya ginawa kong misyon / sa buhay at sa tahanan
na ako ang maghuhugas / ng aming pinagkainan
araw, tanghali at gabi / ay tungkulin ko na iyan
na panahong kayrami kong / mga napagninilayan

mga karaniwang bagay, / mga samutsaring isyu
ang laban ng maralita, / babae, uring obrero
may tula sa kalikasan, / sanaysay, pabula't kwento
tula sa diwatang sinta, / nobela kong pinaplano

aba, minsan din talaga / sa lababo tumatambay
at pagkatapos maghugas / ay isulat ang nanilay

- gregoriovbituinjr.
01.22.2024

* ang bidyo ay mapapanood sa kawing na: https://fb.watch/pLYFsB1gQf/

Pagbigkas ng tula sa rali

PAGBIGKAS NG TULA SA RALI

ah, patuloy akong bibigkas ng tula sa rali
pagkat kayraming isyu ng masa'y dapat masabi
kahit makasagasa man nang walang pasintabi
ay tutula ako ng walang pag-aatubili
nang sa uring manggagawa't masa'y makapagsilbi

pagkat wala rin akong ibang entabladong alam
kundi sa mga pagkilos ng masa sa lansangan 
wala ring toreng garing na sana'y mapupuntahan
kundi sa lupang dahop sa anumang karangyaan
upang ipagtanggol ang pinagsasamantalahan

pagpupugay sa lahat ng makatang mambibigkas
na tila mga apo nina Batute't Balagtas
habang atin namang tinatahak ang wastong landas
tungo sa asam na pagtatag ng lipunang patas

- gregoriovbituinjr.
01.22.2024