Martes, Setyembre 22, 2020

Pag nahalal ka

 pag binigyan ka ng pambihirang pagkakataon
na mahalal ng kasapian sa isang posisyon
huwag mo itong pabayaan, huwag maglimayon
kundi gampanan mong mabuti ang tungkuling iyon

mabuhay ka't nahalal ka sa posisyong iyan
tandang mayroon kang karapatan sa pamunuan
kinilala ng marami ang iyong kakayahan
lalo na't di ka paslit na basta aayaw na lang

pagtangan mo sa tungkulin ay iyong pagbutihin
ang posisyon mo'y pag-aralan, anong dapat gawin
kung may problema man, kolektibo itong lutasin
huwag basta kakalas dahil lang may suliranin

gago ka kung magre-resign ka lang, putanginamo
sana noong una pa'y di mo na tinanggap ito
sana noong una'y di ka na nagpahalal dito
maliban kung nadisgrasya't di makapagtrabaho

di basta-basta ang oportunidad na maboto
huwag mong balewalain ang desisyon ng tao
tinanggap mo na ang posisyon, pahalagahan mo
gampanan mong husay hanggang matapos ang termino

- gregoriovbituinjr.

Balintuna

noon at ngayon, may tinutumba dahil sa tokhang
maraming natutuwa sa ginagawa ng halang
ngunit nang minamahal na nila ang tumimbuwang
sila'y dagling napoot, buhay daw ay di ginalang

- gregoriovbituinjr.

Noon

noon nga'y sinisipat-sipat ko ang isang buko
habang nangangati nang kalabitin ang gatilyo
ngunit aba'y sayang naman ang pinupuntirya ko
baka may tubig pa yaong titighaw sa uhaw ko

noon, binubutingting ko't nililinis mabuti
ang loob ng kwarenta'y singko at mahabang riple
habang may kwarenta pesos na nilagang kamote
na kinukukot, huwag lamang uutot sa tabi

noon nga'y maraming nababalitang agaw-armas
na ginagamit marahil ng iba sa pag-utas
habang ako naman ay namimitas ng bayabas
tila mas masarap ang sinigwelas kaysa ubas

noon, hinihimas-himas ko yaong eskopeta
nakatingala sa langit, may dumaang kometa
dahil sa kamote, ako'y nagtungo sa kubeta
maya-maya'y uminom na rin ng isang tableta

- gregoriovbituinjr.

Ako'y kawal-mandirigma ng kilusang paggawa

ako'y kawal-mandirigma ng kilusang paggawa
sa isang kawal, una lagi'y tungkuling panata
tulad sa sundalo, una ang sinumpaang bansa
tungkulin ko'y dapat tupdin bilang mapagpalaya

kaya anong ginagawa ko sa malayong pook?
na sa kwarantina'y mag-ekobrik lang at magmukmok?
bilang kawal ng hukbong mapagpalaya'y kalahok
upang ilagay ang uring manggagawa sa tuktok

iyan sa higit dalawa't kalahating dekada
kong pagkilos kasama ang dukha, obrero't masa
misyon sa kauri'y mag-organisa't magdepensa
upang kamtin ng bayan ang panlipunang hustisya

kaya dapat gampanang husay ang aking tungkulin
balikan ang kolektibo't ang mithi'y sariwain
upang katungkulan ay tuluyan pang paghusayin
at pagdepensa sa aping masa'y tiyaking tupdin

- gregoriovbituinjr.

Bilang halal na sekretaryo heneral

nananatili pa akong sekretaryo heneral
pinunong mayorya ng kasapian ang naghalal
isa ring tungkulin ko ang pagiging paralegal
ngunit iniiwan ang pinamumunuan, hangal
tama ba para sa hinalal ang ganitong asal?

tatawanan ako pag ganito ang kaasalan
na sa aking pagkatao'y masamang marka naman
baka di na nila ako pa'y pagkatiwalaan
pagkat mismong tungkulin ko'y aking pinabayaan
pag ganito na, sa pagkatao ko'y kahihiyan

dahil ako'y halal, dapat ko lamang pangunahan
ang kasapian sa mga gawain, katungkulan,
isyu'y pag-usapan, misyon ay isakatuparan
ang tungkulin ko'y dapat tapat kong ginagampanan
ang prinsipyong tinanganan ay dapat panindigan

bagamat di ako nagpabaya sa ating dyaryo
dapat pa ring asikasuhin ang maraming kaso
kaya sa mga kasapi, ako'y hintayin ninyo
di umaatras sa nakaatang na tungkulin ko
gumagawa lang ng paraang makabalik ako

bilang inyong hinalal na sekretaryo heneral
at sa aking pinagsanayan bilang paralegal
kung di ko magagampanan ang tungkulin kong halal
dapat lang parusahan ako ng sanlibong buntal
pagkat di marapat tularan ang tulad kong hangal

- gregoriovbituinjr.

* Ang may-akda ang kasalukuyang sekretaryo heneral ng pambansang organisasyong Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) mula Setyembre 2018, at kasalukuyang sekretaryo heneral din ng Ex-Political Detainees Initiative (XDI) na nahalan ng dalawang beses, Hulyo 2017, at Disyembre 2019). Siya ay sekretaryo naman ng history group na Kamalaysayan (Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan) mula 2017 hanggang kasalukuyan.