Martes, Abril 27, 2021

Pagpinta sa plakard

PAGPINTA SA PLAKARD

malapit na naman ang Mayo Uno, kailangan
muli natin ang magpinta sa plakard ng islogan
magsasama-sama muli ang manggagawa't bayan
upang Dakilang Araw ng Paggawa'y ipagdiwang

gawin nang regular ang kontraktwal na manggagawa;
sahod ay itaas, presyo ng bilihin, ibaba;
lakas paggawa'y nararapat lang bayarang tama
hiling sa lockdown: libreng gamot at pangangalaga

dapat tayong may pulang kartolina't puting pinta
o kaya nama'y pulang pinta't puting kartolina
ipapahid nating anong husay gamit ang brotsa
ang ating panawagan nang malinaw na mabasa

gamit natin ang mga plakard sa bawat pagkilos
upang ang masa, mga isyu natin ay matalos
pagsasamantala, pang-aapi't pambubusabos
ay atin palang inaadhika upang matapos

pagpipinta sa plakard ay marangal na gawain
nang isyung mahalaga sa madla'y maiparating
kaya pag may nakita kang rali'y agad basahin
anong nakasulat sa plakard, ang isyu'y alamin
pag nakumbinsi, sa pagkilos ay sumama na rin

- gregoriovbituinjr.

Tula sa Mayo Uno (para sa Teatro Pabrika)

TULA SA MAYO UNO
PARA SA TEATRO PABRIKA
11 pantig bawat taludtod

tangan-tangan ng uring manggagawa
ang mabigat na maso ng paglaya
upang pagsasamantala'y mawala
sistemang kapitalismo'y magiba

tinanganan ng obrero ang maso
ng kasaysayan isang Mayo Uno
doon sa Haymarket Square, Chicago
ay nagkaisa ang libong obrero

hiling na walong oras na paggawa
ay ipinaglaban ng manggagawa
isang usaping tunay na dakila
at sa daluyong, sila'y sumagupa

sa Paris, paglipas ng ilang taon
Mayo Uno'y kinilala na doon
isang Araw ng Paggawa ang layon
Mayo Unong dakila hanggang ngayon

- gregoriovbituinjr.

* litrato mula sa google
* ang tula'y bilang pagtalima sa hiling ng mga kasama sa Teatro Pabrika

Protektahan ang mga bata


PROTEKTAHAN ANG MGA BATA

nakagigimbal ang mga balita, anong tindi
ulat kaninang umaga, lumbay ang sumakbibi
namatay sa sunog ang tatlong anyos na babae
nabaril ng airgun ang walong anyos na babae

nakita sa balita habang ako'y nagdidildil
isa'y sa aksidente, isa pa'y sa pamamaril
bata'y di nasagip sa sunog, sinong masisingil
suspek sa pamamaril, buhay ang nais makitil

tinaga pa ng loko ang sumaklolong matanda
ang krimen niyang ito'y tunay na kasumpa-sumpa
nakalulungkot ang sinapit ng dalawang bata
sa pagprotekta sa kanila'y dapat maging handa

bakit dalawang batang babae ang nabiktima
marahil nagkataon lang na naiulat nila
sana ang dalawang bata'y magkamit ng hustisya
kaya ang sigaw ko'y hustisya para sa kanila

sa Convention on the Rights of the Child, basahin doon
na karapatan nilang magkaroon ng proteksyon
ang nangyari sa dalawang bata'y malaking hamon
sa gobyerno, sa atin at sunod na henerasyon

- gregoriovbituinjr.
04.27.2021