Linggo, Hulyo 25, 2010

Sosyalismo ang Landas na Matuwid

SOSYALISMO ANG LANDAS NA MATUWID
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

sosyalismo ang landas na matuwid
at di ang kapitalismong kaykitid
sistemang ito’y dapat nang ibulid
sa malalim na hukay na’y isilid
kapitalismo'y leeg na may lubid
na unti-unting sa atin papatid

sosyalismo'y bukás, di nakapinid
di bingi sa hinaing ng kapatid
lipunang ito'y dapat nating batid
pagkapantay ang diwa nitong hatid
sa manggagawa'y di ito balakid
pagkat ito'y landas ng matutuwid

Habang Nakatitig sa Kawalan

HABANG NAKATITIG SA KAWALAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

muli sa kawalan nakatitig ang mangangatha
muling nagdedeliryo kung ano ang iaakda
minsan napapangiti, kadalasang lumuluha
dinarama sa puso yaong mga kinawawa

nakatitig sa kawalan, hawak ang isang pinsel
iuugit ang nasa diwa sa hawak na papel
lalo't musa ng panitik na kapara ng anghel
ay dumalaw na kahit puso'y puno ng hilahil

makahulugang sulatin sa diwa'y nalilikha
maya-maya naman, ang ginagawa niya'y tula
maraming kwento rin ang sinulat ng mangangatha
at sumusubok ng nobelang pangarap maakda

Trapong Burak ang Pagkatao

TRAPONG BURAK ANG PAGKATAO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

tingin ng trapo, maralita'y uto-uto
laging hingi ng limos sa trapong hunyango
ito nama'y dahil sa kanilang pangako
ngunit kadalasang kanilang pinapako

pag nangako ng mangga, kulang sa bagoong
pag nangako ng kanin, ang bigay ay tutong
pag nangako ng sapatos, isa ang takong
pag nangako ng bangus, ang dala'y galunggong

di tuloy malaman kung anong klaseng tao
kung kikilatisin natin ang mga trapo
sa panlabas, kaygaganda ng bihis nito
sa panloob pala'y burak ang pagkatao

sawang-sawa na kami sa kapapangako
ng mga pulitikong kapara'y hunyango