Biyernes, Oktubre 29, 2021

Paglingap

PAGLINGAP

nakangiti ang pangarap
lumulukso sa hinagap
kapag humigpit ang yakap
umiigting ang paglingap

anong ganda ng panahong
sa amin ay sumalubong
handang harapin ang hamong
di maiwasang masuong

salamat sa bawat ngiti
lagi sanang manatili
pagsinta, adhika't mithi
manatili sanang lagi

kung paglingap ay malusog
ay dahil nga sa pag-irog
habang mundo'y umiinog
rosas ka, ako'y bubuyog

- gregoriovbituinjr.
10.29.2021

Pasong lutuan

PASONG LUTUAN

ang lumang electric rice cooker ay hinanap nila
tanging rice pot o kaldero ang kanilang nakita
ang pinaglalagyan ng kaldero'y nawawala na
yaong sinasaksakan ng kuryente'y nahan na ba

hanggang matagpuan ang hinahanap sa may hardin
subalit pangit nang paglutuan kahit pilitin
ang de-kuryente'y di na mapaglutuan ng kanin
aba'y sa kahoy o sa gasul ka na lang magsaing

hanggang kanilang napagtanto ang katotohanang
ang lumang rice cooker pala'y nasira nang tuluyan
di na magamit, imbes itapon, ginamit naman
ginawa nang pasong taniman ng mga halaman

talagang naging malikhain ang gumawa nito
mapapabilib ka't siya rin pala'y isang henyo
sa kanyang halimbawa'y dapat din tayong matuto
na pwedeng baguhin ang gamit ng sirang gamit mo

- gregoriovbituinjr.
10.29.2021

Alapaap

ALAPAAP

nakatitig na naman sa ulap
upang muling tumula't mangarap
lalo't kayraming nasa hinagap
na nais dalhin sa alapaap

lalo't ulap ay naghugis puso
na madarama kung may pagsuyo
sa musa, makata'y narahuyo
sa pag-ibig na di maglalaho

makatang tunay na umiibig
katawan man ay nangangaligkig
sa alapaap ay nakatitig
puso'y narito pang pumipintig

gagawin ng makata ang lahat
upang ulap ay abuting sukat

- gregoriovbituinjr.
10.29.2021

Sanlakas 28

PAGPUPUGAY SA IKA-28 ANIBERSARYO NG SANLAKAS

aking nakita'y lubusang pagsisilbi sa masa
mapanuri, palaban, talagang nakikibaka
silang Sandigan ng Kalayaan at Demokrasya
ng Sambayanan, saksi ako sa nagawa nila

isinilang sa gitna ng matinding debatehan
tumindig sa tama, iwinasto ang kamalian
wala sa dulo ng baril, di sa digmaang bayan
maitatayo ang mithing makataong lipunan

sinusuring mabuti ang sumusulpot na isyu
binabaka ang mali't kapalpakan ng gobyerno
naghahain pa ng kahilingang pabor sa tao
naghahapag ng solusyong dapat dingging totoo

patuloy sa pag-oorganisa ng aping madla
nakikipagkapitbisig sa uring manggagawa
nakikibakang tunay kasama ng maralita
naglilingkod sa kapwa, nasa puso ang adhika

at sa ikadalawampu't walong anibersaryo
ng Sanlakas, taospusong pagbati't pagsaludo
bahagi na kayo ng paglaki ko't pagtanda ko
kaya narito akong nagpupugay ng totoo

- gregoriovbituinjr.
10.29.2021