Martes, Nobyembre 3, 2015

Paglalakbay para sa manggagawa

PAGLALAKBAY PARA SA MANGGAGAWA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

manlalakbay akong wala ni sariling tahanan
lakad ng lakad na tila walang patutunguhan
tinatagos ang mga ilog, dagat at kabundukan
tinatahak ang sementado't maputik na daan
nasa'y matayo ang makamanggagawang lipunan

kasama sa pag-oorganisa ng manggagawa
bilang uri't matatag na hukbong mapagpalaya
na laging nakaharap sa rumaragasang sigwa
silang hukbo ng obrero ang kawal na gigiba
sa bayang tiwali ng mapang-api't mapangutya

uring manggagawa silang mapagpalayang hukbo
pulu-pulutong at briga-brigadang matitino
handang dumurog sa kapitalismong walang puso
upang pang-aapi'y wakasan sa ilaya't hulo
pagsasamantala'y pawiin sa lahat ng dako

manggagawang papawi sa pribadong pag-aari
pag-aaring pinagmamalaki ng hari't pari
pag-aaring dahilan ng karukhaang masidhi
siyang dahilan din ng pagkakahati sa uri
pribadong pag-aaring dapat tuluyang mapawi

yaman ng lipunan ay ipamahagi sa lahat
di dapat gawing pribado ang lupa, hangin, dagat
sa ganito'y dapat uring manggagawa'y mamulat
di baleng mayayaman ay mawalan ng ulirat
kaysa burgesya'y nagdiriwang, dukha'y nagsasalat

o, manggagawa, hukbong mapagpalaya, halina
lipunang makatao'y itayo nang sama-sama
bawat obrero'y patuloy nating iorganisa
at habang sila'y ating nakikita't nadarama
alam kong sa paglalakbay ko'y di na nag-iisa

Babae'y di paaapi

Mabuhay ang mga KABABAIHAN
pagkat di paaapi kaninuman
sarili'y handa nilang ipaglaban
talagang kanilang patutunayan:
babae'y di tanda ng kahinaan!

tulad ng mahal na ina, babae
di sila basta iiyak sa tabi
at kayang ipagtanggol ang sarili
di sila papayag na magpaapi
laban sa sinumang nananalbahe

- gregbituinjr.110315