ayokong maglaba sa washing machine at kawawa
pagkat wawasakin lang nito ang aking pagkatha
paglalaba'y panahon ng pagninilay ng akda
sa pagitan ng pagkusot at naglipanang bula
may washing machine man sa bahay, nais kong magkusot
habang pinagninilayan ang samutsaring gusot
binabalangkas na paano durugin ang salot
kinakatha ang nangyayari sa bawat sigalot
puti't dekolor ay dapat munang ipaghiwalay
tulad ng tula't kwentong binubukod munang tunay
unahin ang puti bago ang labadang may kulay
batya'y igiban ng tubig at labada'y ilagay
kanawin mo ang pulbos o gamitin ang bareta
tulad ng tula, mga rekado'y ihanda muna
taludtod, saknong, pantig, sukat, talinghaga't rima
kusutin ang puti, palu-paluin, at ikula
iba ang ginagawa ko sa may kulay na damit
tulad ng kwento, may bida, banghay, eksena, bwisit
may sorpresa, ibinibigay, ipinagkakait
kusutin, banlawan, pigain, isampay, isipit
kaysa washing machine, kaysarap na baro'y kusutin
habang nagninilay ng mga paksang susulatin
pag baro'y natuyo, paplantsahin na't susuutin
tulad ng tulang natapos na ari nang bigkasin
- gregbituinjr.