Linggo, Disyembre 25, 2022

Ngiti sa ham

NGITI SA HAM

kaysarap sa puso ang ngiti
animo'y sadyang bumabati
aniya: Maligayang Pasko!
di man ito mula sa labi
o di man mula sa kalahi

hinati lang ni misis ang ham
na talagang katakam-takam
nang mapansin ang korteng ngiti
tila ba dusa'y mapaparam
at gaganda ang pakiramdam

pag ganito ang nakita mo
isang ngiting tila totoo
habang nakipagtalamitam
kay misis, napangiting todo
tila nga kayganda ng mundo

- gregoriovbituinjr.
12.25.2022

Karraang at karso

KARRAANG AT KARSO

sa pagitan ng wikang Ingles at Kastila
mayroong dalawang Ilokanong salita
na maganda rin namang ating maunawa
nang maibahagi't magamit din ng madla

pugon na hinukay sa lupa ang karraang
sa bukid, ang karso ay kubong pahingahan
dalawang salita, buhay sa lalawigan
na sa mga makata'y dagdag-kaalaman

wikang banyaga'y may katumbas pala rito
kaya gamitin ang mga salitang ito
halina't itula ang karraang at karso
upang payabungin ang wikang Filipino

- gregoriovbituinjr.
12.25.2022

* mula sa pahina 585 ng UP Diksiyonaryong Filipino

Pagsasalin

PAGSASALIN

ako'y nagsisikap na makatapos
ng pagsasalin ng marubdob, taos
salit-salit, panaho'y binubuhos
upang magawa ang salin ng lubos

maraming nakalinyang pagsasalin
akda nina Fidel, Che, Marx at Lenin
akda ni Engels ngayon tatapusin
gawing aklat pag natapos isalin

pati tula ng Ingles, Ruso, Pranses
Shakespeare, Mayakovsky, Rimbaud, endares
binabasa't inuunawang labis
may editing, proofreading, kinikinis

pangarap sa mambabasang madla
ang salin ng mga paksa't may-akda
handog sa maralita't manggagawa
upang sa hinaharap maging handa

- gregoriovbituinjr.
12.25.2022