Sabado, Enero 29, 2011

Ang ina, ang anak, at ang katulong

ANG INA, ANG ANAK, AT ANG KATULONG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

minsan ay nagtanong ang bata sa mahal na ina
"iiwan nyo po ba sa katulong ang inyong pera
pati mga alahas at gamit na mahalaga?

sagot ng ina sa pinakamamahal na anak
"hindi, anak, isa lang siyang katulong na hamak
wala akong tiwala sa kanyang isang bulagsak!"

bata'y napaisip at sa wari'y bubulong-bulong
at nang di makatiis sa ina'y agad nagtanong
"kung gayon, bakit mo ako iiwan sa katulong?"

matalim, malalim, marunong magsuri ang bata
isang katanungang dapat lang sagutin ng tama
ngunit ina'y wala agad maisagot sa putla