Martes, Hulyo 2, 2024

Tinatago ang suspek sa krimen?

TINATAGO ANG SUSPEK SA KRIMEN?

anong klaseng dating pangulo ito't tinatago
ang isang suspek sa krimen na animo'y naglaho
suspek ay pastor na ginamit daw ang relihiyon
upang mga babae'y maging biktima rin niyon

bakit dating pangulo'y itinatago ang takas
na pinaghahanap ng U.S. at ng ating batas
siya pang dating pangulo't isang abogado pa
ang nagiging dahilan ng kawalan ng hustisya

baka ituring na accomplice ang dating pangulo
pagkat alam na niya'y ginagawa pang sekreto
di ba't pambababoy sa batas ang kanyang ginawa
na tila palabas na kanyang ikinatutuwa

ang sinuman ay di dapat batas ay gawing kengkoy
na batas ng bansa'y basta lang nila binababoy
dapat ipakitang ang batas talaga'y may ngipin
dakpin na yaong nagtatago ng suspek sa krimen

- gregoriovbituinjr.
07.02.2024

Pinagbatayan ng ulat:
* pahayagang Bulgar, Hulyo 2, 2024, Headline at pahina 2

Kayraming paskil ng gas

KAYRAMING PASKIL NG GAS

kayraming paskil ng gas sa bahay
pitong iba't iba silang tunay
talagang nag-ikot ang naglagay
kaysipag nilang maghanapbuhay

magdikit nito'y trabaho na rin
upang komunidad ay ikutin
upang masa'y di na hahanapin
kung saan tangke ng gas bibilhin

babasahin lang ang patalastas
makakaorder na sila ng gas
magigisa na'y bawang, sibuyas
makakapagluto rin ng bigas

tila namahagi ng polyeto
ang mga magkaribal na ito
sadyang ipinakalat sa tao
upang tangkilikin ang negosyo

sa init ng araw nagpapagod
upang magdikit at ipamudmod
ang negosyong itinataguyod
sapat kaya ang kanilang sahod?

- gregoriovbituinjr.
07.02.2024