KUMUNOY NA LUPA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
16 na pantig bawat taludtod
nakapaglalakad pa noon sa lupang kinagisnan
ngunit ngayon, isa na iyong malagim na putikan
winasak, binaboy ng mga suwitik na minahan
ang kabukiran ay nagmistula nang isang libingan
nawasak ang lupa, dahil sa lintik na pagmimina
nawasak ang bukas, dahil sa lintik na pagmimina
nasira na ang kalikasan, dahil sa pagmimina
nasira na ang kabukiran, dahil sa pagmimina
kumunoy na ang lupang dating masayang tinatahak
kumunoy na ang lupa't nagmistula na itong lusak
sa kalansing ng ginto, minahan ay nagsihalakhak
walang pakialam kung buhay at lupa na'y mawasak
bago mahuli ang lahat, lumubog ang buong bayan
tutulan na at labanan ang ganitong kahayukan
ibaon na ang mga kapitalista ng minahan
doon sa kumunoy na lupang kanilang kagagawan