Biyernes, Oktubre 16, 2009

Sandakot na Lupa

SANDAKOT NA LUPA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

inaapi nyo kaming maralita
dahil ba kami'y sandakot na lupa?
sa aming hirap kayo'y natutuwa
kaya lagi kaming pinaluluha

hinahamak nyo kaming mga dukha
sa aso nyo'y nais pang ipalapa
tingin nyo kami'y pawang isinumpa
kaya lagi kaming kinakawawa

totoong isang kahig, isang tuka
ang mga tulad naming walang-wala
ngunit masipag kami sa paggawa
upang mabuhay ang pamilyang dukha

kami’y dukha ma’t sandakot na lupa
ngunit sa pamilya'y hindi pabaya
sila'y lagi naming inaaruga
mula pagkain hanggang pang-unawa

di rin kami mapagwalang-bahala
ang buong mundo'y binubuhay pa nga
pagkat mayorya'y mga manggagawa
kahit inyo pang tanungin ang madla

Hustisyang Pagong

HUSTISYANG PAGONG
ni Gregorio V. Bituin Jr.

marami pang nakakulong
na pawang walang sala
dahil ang hustisya'y pagong
dito sa ating bansa

nabubulok ang napiit
sa salang di nagawa
sistemang ito'y kaylupit
kailan ba lalaya

dapat ipagluksa natin
ang pagong na hustisya
tila kamatayan man din
ng hustisya ang dala

hindi pa rin nahuhuli
ang tunay na maysala
sa mga krimeng kaytindi
sila pa'y gumagala

dapat tuluyang wakasan
itong hustisyang pagong
kundi'y walang katuturan
ang batas ng marunong

dapat tuldukan na natin
ang hustisyang kaybagal
sa hukuman ay tanggalin
yaong bulok at hangal

Isang Platitong Mani

ISANG PLATITONG MANI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

I

o, kayhilig naming mamulutan
kahit isang platitong mani lang
na humahagod sa lalamunan
kasabay pa ng aming tunggaan

ang maning itong isang platito
ay kaysarap ng pagkakaprito
ito rin daw ay pampatalino
halina't mamulutan din kayo

II

isang platitong mani lang kayo
kitang-kita naman ang totoo
tila ba kayhihina na ninyo
di na maorganisa ang tao

sa rali nga kayo'y kakarampot
isang platitong maning nakutkot
tila pa kayo'y lalambot-lambot
sa isyu'y iba-iba ang sagot