BAHAY, ISKWATER, DEMOLISYON, MARALITA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod
pabahay ay karapatan ng bawat isa
mula pa ng isilang, dapat may bahay na
ito ang kailangan ng bawat pamilya
sa ama, ina't anak, bahay nga'y ligaya
bagamat doon binubuo ang pangarap
sila'y pawang dukha't tila di nililingap
iskwater sa sariling bayan, naghihirap
tila gobyerno nga'y totoong mapagpanggap
hanggang dumating ang araw ng demolisyon
idedemolis silang walang negosasyon
bara-bara't walang tiyak na relokasyon
kaya saan na sila pupulutin ngayon
may karapatan kahit mga maralita
ngunit bakit sa mundo'y panay ang pagluha
dapat kumilos sila kahit walang-wala
pagkakaisa ang dapat gawin ng dukha