Lunes, Disyembre 15, 2025

Taospusong pasasalamat sa tshirt

TAOSPUSONG PASASALAMAT SA TSHIRT

tinanong muna ako ng isang kasama
kung anong size ng tshirt ko, medium, sagot ko
sunod na tanong niya, ako ba'y lalahok
sa rali o pagkilos patungong Mendiola

sabi ko'y oo, di ako pwedeng mag-absent
lalo't sa Araw ng Karapatang Pantao
doon ay nagkita kami't kanyang binigay
ang tshirt hinggil sa karapatang pantao

lubos at taospusong nagpapasalamat
ang abang makata sa tshirt na natanggap
tshirt man iyon ngunit nakapagmumulat
ako'y binigyang halaga't di nalimutan

sa iyo, kasama, salamat, pagpupugay
nawa ang katulad mo'y dumami pang tunay

- gregoriovbituinjr.
12.15.2025

Hinggil sa Lunsad-Aklat ng Disyembre 9

HINGGIL SA LUNSAD-AKLAT NG DISYEMBRE 9

akala ko'y lalangawin ang Lunsad-Aklat
mabuti na lamang, may dumating na tatlo
sila'y pawang sa isyu ng bayan ay mulat
kaya kagalakan ay ramdam kong totoo

sapat iyon upang mabuhayan ng loob
at magsikap pa ring magsulat at kumathâ
kahit sa trabaho'y talagang nakasubsob
tumaas ang aking moral bilang makatâ

marami ring nagsabing di makararating
sa kanila'y pagpupugay at pasalamat
iyon ay respeto na ngang maituturing
sa kanila'y naglaan na ako ng aklat

magpatuloy lang bilang makatâ ng bayan
pati sa pagsusulat ng isyu ng masa
iyan ang ipinayo sa akin ng ilan
kaya ako'y sadyang saludo sa kanila

- gregoriovbituinjr.
12.15.2025

* nailunsad ang "Tula't Tuligsa Laban sa Korapsyon" sa CHR noong Disyembre 9 - International Anti-Corruption Day
* ngayong Disyembre 15 ang ika-150 kaarawan ng dakilang bayaning si Gat Emilio Jacinto, aka Pingkian

Gutom na kayâ ngumiyaw sa pintô

GUTOM NA KAYÂ NGUMIYAW SA PINTÔ

pusa'y marunong din palang kumatok
upang mabigyan siya ng pagkain
pusang galâ siyang nadama'y gutom
batid din niya paano tumayming

kauuwi ko lang kasi ng bahay
galing sa labas, may inasikaso
pagod, balak kong magpahingang tunay
saka na harapin ang dokumento

paano ko nga ba matatanggihan
ang pusang galang nahuli'y bubuwit
minsang ako'y nagising sa higaan
isang gabing ang ulo ko'y masakit

at binigyan ko siya ng galunggong
sana'y makabusog sa kanya iyon

- gregoriovbituinjr.
12.15.2025

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://www.facebook.com/share/r/1HB3cAYtt2/ 

Ayuda ay kendi lang sa mga trapo

AYUDA AY KENDI LANG SA MGA TRAPO

heto muli tayo, malapit na ang Pasko
may ayuda muli galing sa pulitiko
regalong kendi't pera'y anong pinagmulan?
sa sariling bulsa o sa kaban ng bayan?

regalong ang ngalan ng trapo'y nakatatak
upang sa balota ba'y matandaang tiyak?
may ayuda muling ibibigay sa tao
gayong ayuda'y kendi lang sa mga trapo

pinauso nila ang kulturang ayuda
imbes na magbigay ng trabaho sa masa
imbes living wage ay ibigay sa obrero
pinaasa na lang sa ayuda ang tao

silang mga trapo'y hubaran ng maskara
baka mapansing galing silang dinastiya
iisang apelyido, mula isang angkan
namamana rin ba kung kurakot ang yaman?

matuto na tayo sa isyu ng flood control
matuto na rin tayong sa trapo'y tumutol
tanggapin ang ayudang mula buwis natin
huwag nang hayaang trapo tayo't lokohin

- gregoriovbituinjr.
12.15.2025

Ang pinakamataas na uri ng pagmamahal

ANG PINAKAMATAAS NA URI NG PAGMAMAHAL

marami ang nagsasabing ang pinakamataas
na uri ng pagmamahal ay yaong paglilingkod
sa kapwà, kayâ kumikilos ako't nangangarap
ng lipunang patas, walang dukhang naninikluhod

upang karapatang pantao nila'y irespeto
kinikilala ang dignidad kahit sila'y dukhâ
lipunang nawa'y makamit - lipunang makatao
naglilingkod sa ating kapwà, dukha't manggagawà

walang dinastiya, oligarkiya, hari, pari
walang magsasamantala't mang-aapi sa bayan
binaligtad ang tatsulok, wala nang mga uri
walang pribadong pag-aari, wala nang gahaman

nakikipagkapwa't nagpapakatao ang lahat
ang pinakamataas na uri ng pagmamahal
sa prinsipyong ito'y wala akong maisusumbat
humayo tayo't sa kapwa'y magsilbi ng may dangal

- gregoriovbituinjr.
12.15.2025

Tatlo sanang lunsad-aklat ko ngayong taon

TATLO SANANG LUNSAD-AKLAT KO NGAYONG TAON

tatlo sanang Lunsad-Aklat ko ngayong taon
naglunsad tig-isa ng Nobyembre't DIsyembre
una'y "Salin ng Tula ng mga Makatang
Palestino", ikalawa'y "Tula't Tuligsâ

Laban sa Korapsyon", ikatlo sana'y itong
muling lunsad ng akdang "Liwanag at Dilim"
ni Emilio Jacinto, na pinagdiriwang
ngayon ang kanyang ikasandaan-limampung

kaarawan, librong dati nang nalathala
subalit bagong edisyon, may mga dagdag
na bagong saliksik, ngunit di malathala
kinapos sa suporta, salapi't panahon

ang abang makatang sa pagkilos ay pultaym
"Liwanag at Dilim" sana'y muling malunsad
gayunman, Happy One-Hundred-Fiftieth Birthday
sa ating bayaning Gat Emilio Jacinto!

- gregoriovbituinjr.
12.15.2025