Linggo, Agosto 9, 2009

Mataas na Bakod Man ang Pagitan

MATAAS NA BAKOD MAN ANG PAGITAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.

mataas na bakod ang nakapagitan
sa ating dalawa
anuman ang taas ng bakod na iyan
nais kong sumampa
nang makita kita't muli'y masilayan
ang angkin mong ganda
ang nais ko'y ikaw ang makatuluyan
at makasama ka
sa buong buhay ko pagkat naramdaman
ko sa yo'y pagsinta
o, magandang dilag nitong panagimpan
minamahal kita

Di ka man si Ara Mina

DI KA MAN SI ARA MINA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

hindi ka isang diyosa
ngunit ikaw'y aking sinasamba
hindi ka isang diwata
sa panaginip ko'y tumatawa
hindi ka si Ara Mina
na sa damdamin ko'y nagpakaba
ngunit sa puso'y reyna ka
ng aking panimdim at paghanga
ng ligaya, luha't tuwa
kaya ang puso ko'y nagbabagà
sa pagmamahal mo, kayâ
kahit di ikaw si Ara Mina
pinakaiibig kita
hanggang kamatayan, aking sinta

Pag-aklasin ang aping uri

PAG-AKLASIN ANG APING URI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig

bayan ay di dapat naaaping lagi
ng mga palalo't pulitikong imbi
at ng namumunong akala mo'y hari
na ang bawat utos ay di nababali

upang pagdurusa'y tuluyang mapawi
tayo'y magkaisa't magbakasakali
pag-aklasin natin yaong aping uri
baka sa pagkilos tayo na'y magwagi

Pag Baboy ang Nagpapatakbo ng Bansa

PAG BABOY ANG NAGPAPATAKBO NG BANSA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig

"In a nation run by swine, all pigs are upward-mobile and the rest of us are fucked until we can put our acts together: Not necessarily to Win, but mainly to keep from Losing Completely" - Hunter S. Thompson, regarded by many as the author of the "greatest book on the dope decade" (The New York Times)

pag baboy ang nagpapatakbo ng bansa
tayong lahat dito'y mapapariwara
pagkat namumuno'y pawang masisiba
sa kapangyarihan pa'y sadyang sugapa

pamahalaan nga'y tila naging kural
namamahala pa'y tila isang hangal
bansa'y pinatakbong para bang kalakal
at sariling bulsa ang pinakakapal

pag sa bansa'y baboy ang namamahala
ang buong bayan na'y walang mapapala
kaya tayo'y dapat magkaisang lubha
upang mapatalsik ang baboy sa bansa

karapatan natin ang sinampal-sampal
at niyurakan pa pati ating dangal
kaya marapat lang katayin sa kural
ang baboy na itong naupong kaytagal

Hindi Ginto ang Katahimikan

HINDI GINTO ANG KATAHIMIKAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig

pag sinagasa ang karapatan
hindi ginto ang katahimikan
karapatan nati'y ipaglaban
upang makamit ang katarungan

di dapat sa sulok ay lumuha
di tayo dapat lang tumunganga
dapat lumaban at magsalita
pag karapatan na'y ginigiba

pag karapatan nati'y nilabag
aba'y di tayo dapat pumayag
di dapat sa takot ay mabahag
pananahimik dapat mabasag

hindi ginto ang katahimikan
ang kapara nito'y karuwagan
pagkat gintong dapat ipaglaban
ang karapatan ng mamamayan

- nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML), Tomo XIV, Blg. 1, Taon 2009, p. 8.