Lunes, Mayo 24, 2021

Pagtahak sa karimlan

PAGTAHAK SA KARIMLAN

ramdam mong ang pagkakasakit ay tinik sa dibdib
puno ang mga ospital, ikaw ay nanganganib
pag nahawahan ka ng sakit, pagdurusa'y tigib
sarili mong tahanan ang iyong magiging yungib

ano ba namang sundin ang health protocol na gabay
bilang respeto sa iyong kapwa, huwag pasaway
mabuting may nagagawa kaysa di mapalagay
dahil nahawahan, pakiramdam na'y mangingisay

ika nga, sama-sama nating labanan ang COVID
iwasang mahawa baka buhay, biglang mapatid
naiisip ito kahit pakiramdam ko'y umid
sa panahong tila walang bagong umagang hatid

di man matatakasan ang pusikit na karimlan
ngunit magpatuloy pagkat pag-asa'y naririyan
kaya pagtahak sa dilim ay ating pagsikapan
at matatanaw ang liwanag sa dulo ng daan

ang kalusugan ng ating kapwa'y pakaisipin
tulad ng community pantry'y magbayanihan din
magbigay ng tulong ayon sa kakayahan natin
at kung kailangan natin ng tulong ay sabihin

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala sa isang gusali sa kanto ng Katipunan Ave. at Aurora Blvd. sa QC

Lipunang pantay, patas, parehas

pangarap ay pagkakapantay-pantay sa lipunan
bawat isa'y nagpapakatao't naggagalangan
subalit di pa naman ganito ang kaayusan
kaya ito'y patuloy nating ipinaglalaban

subalit burgesya'y paano magpapakatao
kung laging nasa isip ay tumubo ang negosyo
ginigilitan na sa leeg ang mga obrero
subalit di pa ba makapalag sa mga tuso?

kaya dapat ngang mag-organisa, mag-organisa
organisahin ang obrero, dukha't magsasaka
pag-aralan ang lipunan, baguhin ang sistema
ipaglabang makamit ang panlipunang hustisya

alamin ng madla bakit pribadong pag-aari
ang dahilan ng pagsasamantala't pagkasawi
ng mayorya sa lipunan na laging napalungi
sa bulok na sistemang di na dapat manatili

walang nagugutom sa tinatahak nating landas
kung saan umiiral ang katarungan at batas
may respeto sa due process, lumalaban ng patas
sa pangarap na lipunang pantay, patas, parehas

- gregoriovbituinjr.

Pa-selfie-selfie

PA-SELFIE-SELFIE

pa-selfie-selfie lang ang magkasi
habang makata'y ngingisi-ngisi
pakiramdam nila'y very happy
batid man na life is not so easy

panahon ng pandemya'y asiwa
animo'y wala silang magawa
subalit nagsisikap nang kusa
kaysa naman mangangalumbaba

sila'y di negatibong mag-isip
kaya subalit mahirap pala
kundi positibo kung mag-isip
mahirap pala subalit kaya

ganyan ang dalawang nagse-selfie
mukha man silang pa-easy-easy
nawa'y magtagumpay ang mag-honey
na nagsisikap at very busy

- gregoriovbituinjr.

Dinadaan na lang sa tula

dinadaan ko na lang sa tula ang karanasan
pati na mga nababalitaang karahasan
sapagkat di na naggagalangan ng karapatan
nababalewala ang panlipunang katarungan

bakit kailangang maganap ang mga ganito?
dahil ba nasusulat daw sa kung anumang libro?
dahil ba iyan daw ang tadhana ng mga tao?
dahil ba tinakda ng sistemang kapitalismo?

bata pa lang ay napag-aralan sa eskwelahan
ang basura'y itapon ng tama sa basurahan
subalit tila ba ito'y sadyang kinalimutan
pagkat naglipana ang basura sa karagatan

palutang-lutang na sa laot ang upos at plastik
kinakain naman ng mga isda'y microplastic
tao'y kakainin ang isdang kumain ng plastik
magtataka pa ba tayong kayraming taong plastik?

sa bawat hakbang, isang tula ang balak makatha
tingnan ang dinadaanan, huwag nakatingala
ah, pasasaan ba't malulutas din nating kusa
ang anumang suliranin, unos din ay huhupa

- gregoriovbituinjr.

Ilang panambitan sa madaling araw

madaling araw, nagmulat ng mata at bumangon
upang manubigan upang umidlip muli roon
habang sa panaginip, may diwatang naglimayon
sinalubong ko siya subalit di ko matunton

may ibang katangian ang nakabimbing tag-araw
animo sa likod ko'y may nakaambang balaraw
mabuti na lamang at matapang-tapang ang lugaw
na inihain nila kaya isip ko'y napukaw

malupit ang sanga-sangang dila ng pulitiko
na turing sa dukha'y basahan, tulad niyang trapo
subalit siya'y iba, serbisyo'y ninenegosyo
naging hari ng katiwalian, nakalaboso

nakikita mo ba kung gaano kawalanghiya
yaong sa iba't ibang pabrika'y namamahala
imbes gawing regular ang kanilang manggagawa
aba'y ginagawang kontraktwal ng mga kuhila

dinig ko ang tila awitan ng mga kuliglig
naalimpungatan at muling tumayo't nanubig
kailan kaya hinaing ng dukha'y maririnig?
kapag ba lipunang makatao na'y naitindig?

at muli kong inihiga ang pagal kong katawan
upang ipahinga't may lakad pa kinabukasan
baka sa paghimbing ay makita ang kalutasan
kung paanong una kong nobela'y mawawakasan

- gregoriovbituinjr.