KANYA-KANYANG PALUSOT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod
alitan nilang mga pulitiko'y hitik
nagbabatuhan ng kinulapol na putik
bariles lamang ba iyon ng mga biik
na sa dangal nila'y yumurak at nagbatik
kanya-kanyang baho ang ginugunam-gunam
sala-salabid ang sa kapwa'y pang-uuyam
makalusot sa kontrobersya'y inaasam
nang gumaan ang nagsikip na pakiramdam
"wala akong sala" ang kani-kanyang sambit
"di ko alam iyan" kahit maraming sabit
"sa kaban ng bayan ay di kami nang-umit"
"sa pork barrel na iyan, di kami nangupit"
mata ng taumbayan ay nakakapaso
tila nais nilang sila na'y maglaho
paano gagaling ang pusong nagdurugo
kung nasisira'y pagkatao nila't puso
"masama ang pork" anang mga kongresista
at senador na nadawit sa kontrobersya
kanya-kanyang palusot sa mata ng masa
nagbabakasakaling makaligtas sila