Miyerkules, Marso 30, 2022

Pambihirang pagkakataon

PAMBIHIRANG PAGKAKATAON

binigay ng kasaysayan ngayon
ay pambihirang pagkakataon

noon, labanan ng mga trapo
ngayon, pagkakataon na ito
kandidatong Pangulo'y obrero
Manggagawa Naman ang iboto!

ito'y di natin dapat sayangin
kasaysayan na'y panig sa atin

Ka Leody de Guzman, Pangulo
Ka Walden Bello, Bise Pangulo
para Senador, Luke Espiritu
Roy Cabonegro at D'Angelo

kandidatong palaban talaga
dala'y Partido Lakas ng Masa

mapanuri, makakalikasan
at nakikibaka sa lansangan
para sa karapatan ng bayan
para sa hustisyang panlipunan

h'wag sayangin ang pagkakataon
ipanalo natin sila ngayon!

- gregoriovbituinjr.
03.30.2022

Mautak at mangmang

MAUTAK AT MANGMANG

bakit daw siya'y mautak, sabi niyang may yabang
habang salaysay ng isa'y buhay ng isang mangmang;
librong magkasalungat ng dalawang di man hibang
subalit may saysay hinggil sa dinaanang larang

magkasabay ko lang nabili ang dalawang aklat
nang di namalayang pamagat ay magkasalungat
napagtanto lang nang sa bahay na'y naalimpungat
sa pagkaidlip at mapagmasdan ko ang pamagat

ang "Why I Am so Clever" ay akda ni Friedrich Nietzsche,
Aleman, tila libro'y palalo, makasarili;
ang "The Life of a Stupid Man" ay kay Ryūnosuke
Akutagawa, Hapon, akdang sa dusa sakbibi

naglathala'y Penguin Classics, dagdag ko sa koleksyon
na pagkabasa, plano'y isalin ang mga iyon;
pag kahulugan ng mga akda'y aking nalulon,
baka may mahalukay na aral na mapanghamon

- gregoriovbituinjr.
03.30.2022

Baryang pamasahe

BARYANG PAMASAHE

"Iwas-abala" ang susing salita sa kanila
ipinaskil nga nila'y "Barya lang po sa umaga"
agad mo nang ihanda ang pamasahe sa bulsa
pag-ibis ng traysikel, sa tsuper iabot mo na

sa kamay mo'y dapat ay handa na ang pamasahe
mabilisan ang bayad at sukli, ganyan ang siste
sa pampublikong sasakyan, traysikel, dyip, bus, taksi
sa pagsakay mo sa tren, sa L.R.T. at M.R.T.

"Barya lang sa umaga," paskil sa mga sasakyan
dapat kapado na natin ang paalalang iyan
saan galing, saan bababa, tapos ang usapan
bayad po, ito ang sukli, ganyan lang, mabilisan

upang makakuha agad ng bagong pasahero
at sa pamamasada'y may kita kahit paano
barya-barya ang usapan, di naman iyan bangko
huwag magbayad ng buo at abalang totoo

- gregoriovbituinjr.
03.30.2022

Libreng sakay

LIBRENG SAKAY

mula bahay ng biyenan patungong opisina
mula Cubao hanggang Pasig, pamasahe'y nagmura
dating bente sais o kwarenta'y tres, nagtrese na
lalo pa't iyang M.R.T. ay naglibreng sakay pa
tila baga ito'y magandang serbisyo sa masa

ano kayang nasa likod ng gawa nilang iyan?
naglibreng sakay isang buwan bago maghalalan
ang manok kaya ni San Pedro'y may pinapanigan?
sa taas ng presyo ng gasolina'y tugon iyan?
o sa gera sa Ukraine, tayo'y apektado naman?

sa libong pasahero, sa pagkalugi ang tungo
ng libreng sakay kung walang iskemang nakatago
kaya ba naglibreng sakay ay kaybuti ng puso?
sana'y di para ipagwagi ang trapo't hunyango
sa halalang baka dambungin ng atat maupo

bagamat nakasakay ng libre'y di mapalagay
na sanlinggo bago halalan malantad ang pakay
paumanhin sa palagay ng makata ng lumbay
gayunman, maraming salamat po sa libreng sakay
pagkat laking tipid nito sa aming paglalakbay

- gregoriovbituinjr.
03.30.2022