PAGTUNGANGA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod
hindi tamad ang manunulat na nakatunganga
lalo ang makatang nasa alapaap ang diwa
o isipang nasa laot, di maarok ng madla
pagtunganga'y kasama sa proseso ng pagkatha
upang bigyang buhay, kahulugan ang bawat akda
ngunit kung tambay kang nakatunganga araw-araw
di naman nagsusulat, diwa'y gubat na mapanglaw
laging kain-tulog-gala, katuga na'y palayaw
tamad nga't ayaw magtrabaho, laki ba sa layaw?
ingat, baka ma-istrok, maari namang gumalaw
ngunit makata'y hindi tambay na walang magawa
kahit dama'y masaya, inaakda'y dusa't luha
kahit nalulungkot, nakakatha'y ligaya't tuwa
bawat tinta'y kaysaya, minsan nama'y nagluluksa
sa pagtunganga'y humahabi ng mga salita
makata'y hayaang nakatunganga sa kisame
habang masid ang buwan at mga tala sa gabi
habang pinagtatanggol ang bayan mula sa bwitre
hayaan silang naroroon lang sa isang tabi
hintay ang musa ng panitik, mutyang binibini